Roque: Lorenzana, sang-ayong pag-usapan ang termination ng UP-DND accord

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Defense Secretary Delfin Lorenzana

Tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang alok ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkaroon ng dayalogo sa University of the Philippines (UP) matapos buwagin ng Department of National Defense (DND) ang kasunduan nito sa UP na ginawa noon pang 1989.

Ang UP-DND accord ay nagbabawal sa pagpasok ng mga pulis at sundalo sa UP campuses nang walang pahintulot mula sa administrasyon ng unibersidad.

Sa kanyang briefing noong Huwebes, iginiit ni Roque na si Lorenzana pa lamang ang pumayag upang pag-usapan ang isyu kasama si UP President Danilo Concepcion, na hindi pa rumeresponde sa alok nito.

Aniya, “What I offered was my good office…Pero so far po ang tumanggap lang po ay si Sec Delfin Lorenzana.”

“Hindi pa po ako nakakarinig ng kahit anong komento kay President Danilo Concepcion,” dagdag pa ni Roque.

“Itong bagay na to hindi na kailangang makarating sa level ng Presidente. Although we do have the principle of qualified political agency, sa level na po ito ni Sec Lorenzana,” diin ng tagapagsalita ng pangulo.

Unang sinabi ni Roque, na isang UP alumnus, na nais niyang i-alok ang kanyang tanggapan upang magsilbing medium para sa pag-uusap ng dalawang kampo sakaling kailanganin ng mga ito ang “proper course of action” upang resolbahin ang isyu sa nasabing accord.

“Being a UP graduate and UP professor myself, I even offer my good office if they need assistance in discussing this matter,” ani Roque noong Miyerkules.

Ang UP-DND accord ay nagbabawal sa pagpasok ng mga pulis at militar sa UP campuses nang walang pahintulot mula sa UP administration, maliban na lamang kung may “hot pursuit” o ‘di kaya ay emergency.

Subalit, noong Enero 15, nagpadala ng liham ang DND sa UP na nagkakansela sa nasabing kasunduan, bunsod umano ng “palihim na recruitment” ng mga estudyante sa mga organisasyong komunista.

Sinabi naman ni Concepcion na hindi umano kinausap ng pamahalaan ang UP upang bigyang linaw ang mga isyu nito bago buwagin ang tatlong-dekadang kasunduan. Hinikayat din nito si Lorenzana na pag-isipang muli ang hakbang, sapagkat maaari lamang umano itong makapagpalala sa relasyon ng pamahalaan at UP community.

LATEST

LATEST

TRENDING