Bagong Covid-19 variant mula UK, natuklasan sa Pilipinas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Reuters

Kinumpirma ng Department of Health (DOH), kasama ng Philippine Genome Center, na ang B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant, o kilala rin bilang UK variant, ay na-detect sa bansa mula sa positibong samples ng isang Pilipinong nanggaling sa United Arab Emirates.

“The said patient is a male resident of Quezon City who departed for Dubai on December 27, 2020 for business purposes and arrived in the Philippines last January 7, 2021 via Emirates Flight No. EK 332,” pahayag ng DOH.

Ayon sa ahensya, kasama ng pasyente ang isang babaeng partner sa kanyang biyahe, subalit nag-negatibo ito sa Covid-19 nang makarating. Kasalukuyang siyang sumasailalim sa mahigpit na quarantine at monitoring.

Ang nabanggit na pasyente ay nagpositibo sa Covid-19 at isinailalim sa quarantine nang makarating sa bansa. Matapos magpositibo sa virus kinabukasan, ine-refer ito sa isang isolation facility sa Quezon City, habang ang kanyang samples ay ipinadala sa PGC para sa whole genome sequencing.

“Both of the returning Filipinos had no exposure to a confirmed case prior to their departure to Dubai nor had any travel activities outside Quezon City,” paglilinaw ng DOH.

Samantala, ang iba pang mga pasahero na kasama ng pasyente sa flight ay tinutunton na. Inabisuhan naman ang mga lulan ng Emirates Flight No. EK 332 na makipag-ugnayan sa kanilang barangay health emergency response teams.

Bilang karagdagang precautionary measure, sinabi ng QC government na ang immediate household contacts ng pasyente ay dinala rin sa isang isolation facility upang ma-test.

Matapos ang nasabing balita, muling inulit ng DOH ang panawagan nito sa national at local governments, pati na rin sa publiko, para sa striktong pagpapatupad at pagsunod ng health protocols laban sa Covid-19.

Unang nagbabala naman ang isang eksperto na ang UK variant ay maaaring makapagdulot ng 15-fold increase ng hawaan sa loob lamang nang isang buwan kung ito ang maging dominant variant sa bansa. Ibig sabihin, mula sa 20,000 kada buwan, posibleng lumobo ang bilang ng mga kaso hanggang 300,000.

LATEST