Unang 50k doses ng Sinovac Covid-19 vaccine na paparating sa PH, ituturok sa mga health workers

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ang kauna-unahang shipment ng Covid-19 vaccines na darating sa bansa sa susunod na buwan ay ipamamahagi sa mga healthcare workers na lumalaban kontra Covid-19 pandemic, giit ng dalawang opisyal noong Martes.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ang initial batch na 50,000 doses mula sa Sinovac ng China ay ilalaan para sa medical frontliners na naka-base sa Metro Manila, ang sentro ng pandemiya sa bansa.

Inihayag naman ni Presidential spokesperson Harry Roque, sa isang hiwalay na briefing, na hindi makapipili ang healthcare workers ng kanilang kinikilingang vaccine brand sapagkat ang Sinovac lamang ang darating sa bansa hanggang Hunyo. Ang mga may agam-agam aniya tungkol sa kaligtasan nito ay maaaring hindi magpabakuna. Subalit, mawawala ang kanilang slot sa priority list dahil dito.

“Sa Pebrero hanggang Hunyo, wala po talagang pagpipilian. Kaya nga po kung ayaw niyo ng Sinovac, well, hindi kayo pipilitin,” giit ni Roque.

Binatikos si Roque noong Lunes matapos sabihing hindi dapat maging “mapili” ang mga Pilipino kapag dumating na ang mga bakuna sa bansa. Ilang mga Pilipino ang may agam-agam tungkol sa pagpapaturok ng bakuna galing China matapos iulat ng Brazilian researchers na ang CoronaVac vaccine ng Sinovac ay mayroon lamang 50% efficacy rate batay sa trial data.

Binanggit din ng tagapagsalita ng pangulo na mayroong “initial agreement” na kumpletuhin muna ang vaccination ng lahat ng healthcare workers sa buong bansa bago magtungo sa ibang sektor na nasa priority list. Nagkakaroon din aniya ng debate sa loob ng Covid-19 task force na ipabilang sa priority list ang mga may co-morbidities. Kung papayagan, ang mga may ibang medical conditions, ay babakunahan pagkatapos ng healthcare workers, senior citizens, at bago ang  mahihirap na pamilya.

Ayon naman kay Health spokesperson Maria Rosario Vergeire, umaasa ang Department of Health na makukumpleto nito ang database ng vaccination priority list ngayong buwan.

LATEST

LATEST

TRENDING