Roque: Walang ‘pilian’ at ‘pilitan’ kapag dumating na ang Covid-19 vaccines sa bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Hindi aniya pipilitin ang mga Pilipino na mabakunahan kontra Covid-19, subalit hindi naman maaaring maging “mapili” sa bakuna kapag dumating na ang mga ito sa bansa, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Lunes.

Aniya, “Wala pong pilian, wala kasing pilitan. Pero magsa-sign ka ng waiver na hindi nagpaturok.”

Ayon kay Roque, bagama’t may karapatan ang mga tao para makatanggap ng nararapat na serbisyong pangkalusugan, dapat umanong isaalang-alang ang bilang ng mga Pilipinong dapat mabakunahan.

“Meron po tayong karapatan para sa mabuting kalusugan pero hindi naman po pepwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan,” dagdag pa ni Roque.

Sa isang ginanap na Senate hearing, inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na ang vaccination ay isasagawa sa geographical at sectoral basis, kung saan bibigyan ng prayoridad ang Metro Manila, Cebu at Davao para sa vaccines tulad ng Pfizer at Moderna – ang dalawang US brands na may mahigit na 90% efficacy rates at strict storage temperature requirements. Lilimitahan ang mga nasabing bakuna sa mga naturang lugar dahil dito mayroong mga cold chain capacity.

Ayon kay Galvez, posibleng unang dumating sa bansa ang Novavax, Sinovac at AstraZeneca vaccines, subalit idiniing ang isang pending application para sa early rollout sa ilalim ng COVAX facility ng World Health Organization ay posibleng mauwi sa delivery ng Pfizer vials sa bansa ngayong quarter.

Samantala, inihayag naman ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na kinakailangang makatanggap ng dalawang doses ang isang tao mula sa isang drug maker sa halip na magkaibang shots mula sa magkaibang pharmaceutical firms.

Sinabi naman ni Roque na ang mga ayaw magpabakuna ay maaaring i-waive ang kanilang slots kahit na nasa priority group, upang bigyang diin na nais nilang paunahin ang iba.

Aniya, “Sasama ka sa the rest ng taumbayan na naghihintay ng bakuna. Tama lang naman po iyan, walang pilian kasi hindi naman natin mako-control kung ano ang darating, at libre po ito.”

Nilinaw naman ni Roque na hindi pa ito saklaw ng anumang resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, subalit ito ang consensus ng publiko sa ngayon.

Binibigyang prayoridad ng bansa para sa Covid-19 vaccination ang mga frontline health workers, indigent senior citizens, remaining senior citizens, remaining indigent population, at uniformed personnel.

Inanunsyo na rin ng ilang local government units na nakipagkasundo na sila para makakuha ng libu-libong vaccine doses para sa kanilang mga residente. Mayorya ng mga alkalde ang nagsabing pumasok sila sa tripartite agreements sa national government para sa pagbili ng bakuna mula Oxford/AstraZeneca, na mayroong efficacy rate na aabot sa 90% para sa mga nakatanggap ng half dose na sinundan ng full dose.

Idiniin naman ng Malacañang na dapat sundin ng LGUs ang tripartite deal sa national government at pharmaceutical firms para sa epektibong rollout ng mga bakuna.

LATEST

LATEST

TRENDING