Roque: Duterte, gusto lamang kumuha ng Covid-19 vaccine mula China at Russia

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Habang nakipagkasundo na ang ilang local government units sa mga vaccine manufacturers galing Kanluran, dalawa lamang aniya ang pinagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte – ang Chinese at Russian Covid-19 vaccines.

Ito ang ibinunyag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang briefing noong Lunes. Magpapaturok umano si Duterte ng tig-iisang dose mula sa mga bakuna ng naturang mga bansa kung posible.

Aniya, “Si Presidente po malinaw, gusto niyang maturok agad. Gusto niya Tsina at Russia. Gusto niya pareho.”

Subalit pinagsabihan umano ang pangulo na pumili lamang ng isa.

Tinugunan din ni Roque ang mga kritisismo sa umano’y pagkiling ng pamahalaan sa China-made vaccines, at iginiit na ang Sinovac Biotech ang isa sa mga darating sa bansa. Mayroon aniyang “colonial mentality” ang mga Pilipino dahil sa pagkiling sa Western vaccines na posibleng sa Hulyo pa dumating.

Bagama’t may mga kritisismo tungkol sa efficacy rate nito, nakatakdang makatanggap ang Pilipinas ng 25 milyong doses mula Sinovac ngayong taon kung saan 50,000 doses ang ide-deliver sa Pebrero.

Inanunsyo naman ng ilang local government units na nakipagkasundo na sila para makakuha ng libu-libong vaccine doses para sa kanilang mga residente. Mayorya ng mga alkalde ang nagsabing pumasok sila sa tripartite agreements sa national government para sa pagbili ng bakuna mula Oxford/AstraZeneca, na mayroong efficacy rate na aabot sa 90% para sa mga nakatanggap ng half dose na sinundan ng full dose.

Idiniin ng Malacañang na dapat sundin ng LGUs ang tripartite deal sa national government at pharmaceutical firms para sa epektibong rollout ng mga bakuna.

LATEST

LATEST

TRENDING