Duterte, binigyang pugay ang PSG matapos ang illegal Covid-19 vaccination ng mga ito: Palasyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Binigyang pugay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng kanyang security group bagama’t nagpaturok ito ng unauthorized Covid-19 vaccines, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Lunes.

“Ang mensahe po nila ay malinaw: Magpapakamatay po sila para sa presidente, para bigyan siya ng proteksyon,” ani Roque sa isang online media briefing.

Dagdag pa nito, “Nagbibigay-pugay po ang presidente sa ginawa ng PSG [Presidential Security Group].”

“Isinugal po nila ang kanilang buhay para bigyan ng proteksyon. Maraming salamat sa inyong katapatan, sa inyong katapangan,” diin ni Roque.

Sinabi naman ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Food and Drug Administration at Bureau of Customs na paiimbestigahan ng mga ito ang pagpasok ng “smuggled” at unregistered Covid-19 vaccines sa bansa, matapos ang rebelasyon na nagpaturok na ng nasabing bakuna ang mga miyembro ng PSG kahit walang approval mula sa FDA.

Maglulunsad din ang Senado ng imbestigasyon tungkol sa naturang isyu sa susunod na linggo, kung saan ipinatatawag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang liderato ng PSG upang dumalo sa pagdinig at bigyang linaw ang isyu.

Tiniyak naman ni Roque na nakahanda ang PSG na sagutin ang mga alegasyon tungkol sa usapin.

Aniya, “Haharap ba sila sa mga imbestigasyon? Syempre po. Wala po tayong tinatago.”

“Wala pong takot ang ating mga PSG kung papatawan sila ng parusa.”

“If there’s whatever accountability issue, sasagutin po ‘yan ng PSG. Kung may kaso, let the cases be filed and let them proceed,” diin ni Roque.

Samantala, sinabi naman ni Roque na wala pang impormasyong natatanggap ang Palasyo ukol sa naiuulat na vaccination ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO workers sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING