NBI, iniimbestigahan na ang pagpasok ng unregistered Covid-19 vaccines sa bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Itinalaga ang Special Action Unit ng National Bureau of Investigation upang imbestigahan ang naiulat na paggamit ng unregistered Covid-19 vaccines sa bansa.

Ito ay ang kaparehong unit na nag-imbestiga sa “pastillas” bribery scheme sa loob ng Bureau of Immigration, diin ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa isang pahayag noong Sabado.

Mahigit 80 Immigration personnel ang sinuspinde, kung saan karamihan sa mga ito ang nahaharap sa reklamo sa ilalim ng Office of the Ombudsman.

Unang inihayag ni Guevarra na tututukan ng imbestigasyon ang “reported unauthorized distribution and administration of unregistered anti-Covid 19 vaccines” at titingnan kung anu-anong mga batas ang nilabag.

Gayunpaman, nilinaw nitong hindi nangangahulugang magpopukas lamang ang imbestigasyon sa kontrobersyal na vaccination ng mga miyembro ng Presidential Security Group.

“The NBI investigation is rolling,” giit ng kalihim.

Dalawang ahensya, ang Food and Drug Administration at Bureau of Customs, ang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagpasok sa bansa ng mga bakunang itinurok sa security personnel ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nangyari umano ang pagbabakuna noon pang Setyembre subalit naisapubliko lamang noong Disyembre 26 nang ianunsyo mismo ni Duterte na ginamit ang China-made Sinopharm vaccine sa militar. Nilinaw ito kinalaunan na ang tinutukoy ng pangulo ay ang mga miyembro ng PSG.

Samantala, inilarawan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga bakuna bilang “smuggled” sapagkat wala pang inaaprubahang coronavirus vaccine ang FDA.

Ayon naman kay PSG head Jesus Durante III, usapin ito ng “national security” dahil kinakailangan aniyang protektahan ang kalusugan ng pangulo.

Sa ilalim ng FDA Act, ang mga mag-iimport, magbebenta, o magbibigay ng anumang unregistered health product ay maaaring makulong o pagmultahin. Hindi pinaparusahan ng batas ang mga taong naturukan ng mga unregistered vaccines. Subalit, kakasuhana ang mga nag-import, nagbenta, at nag-distribute ng mga ito.

LATEST

LATEST

TRENDING