“Ikulong ninyo”: PRRD, pinaalalahanan ang PNP na hindi dapat ‘makalabas’ si Nuezca

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Hindi kinukunsinti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa ng isang pulis na pinagbabaril ang isang ina at kanyang anak sa Tarlac. Bagama’t nangako itong susuportahan ang kapulisan, iginiit ng pangulo an hindi niya sasang-ayunan ang anumang gawain na labag sa batas.

Ayon kay Duterte, malalang krimen ang ginawa ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, at sa oras ng kanyang pagkaaresto hanggang sa dalhin ito sa korte para sagutin ang mga paratang sa kanya, hindi umano dapat mapayagang magpiyansa ang suspek.

“Ang pagmamahal ko sa trabaho lang natin. You do something which is…out of the ordinary, just pulling a gun and shooting people…Ikulong ninyo yon. Huwag ninyong bitawan ‘yang y**a na ‘yan,” wika ng pangulo.

Pinaalalahanan nito ang PNP na hindi dapat “palabasin” si Nuezca dahil sa lala ng ginawa nitong krimen.

Nagkomento ang pangulo na posibleng wala sa tamang pag-iisip si Nuezca matapos pagbabarilin sa ulo ang 52-anyos na si Sonya Gregorio at ang kanyang 25-anyos na anak na si Frank Anthony Gregorio.

“Isang klase lang ‘tong pulis na ‘to. May sakit ito sa utak. Topak. I’m just wondering how he was able to…nakalusot sa neuro. You could detect a person by the way he answers yung test sa neuro. T*arant*do yung g**o na ‘yon,” diin ng pangulo.

Matagal nang nagsasalita ang pangulo tungkol sa kanyang pagsuporta sa kapulisan at sinabing patuloy niya itong susuportahan basta’t gagawin nito ang tama.

Aniya, “Do your duty. Enforce the law. Your actions must be in accordance with the law. You do not follow the law, magsalvage ka, magpatay ka diyan. I’m sorry, that is not part of the agreement of how we should do our work.”

Nagulat umano ang pangulo nang mapanood ang viral na video ng insidente.

“Pati ako napanganga…That’s unfair and brutal masyado. Kung ako ang nandiyan, ewan ko lang,” paliwanag nito.

Sa isang meeting sa Davao City, sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na sumailalim na sa inquest si Nuezca, at sinampahan na ito ng kaso sa isang korte sa Tarlac.

“Siya po ay under the custody now of the chief of police ng Paniqui, Tarlac at sisiguraduhn po namin na talagang hindi ito makakatakas at mai-serve yung justice,” pahayag ng kalihim.

Sinabi rin ni Año na sinampahan din ng PNP si Nuezca ng isang administrative case. Idinagdag ng kalihim na isa umanong “isolated incident” ang pangyayari at hindi nila kinukunsinti ang mga katulad na gawain mula sa pulis.

Ang marahas na pamamaril ay ikinagalit ng mga mambabatas at ng publiko.

Batay sa tala ng PNP, dati nang naharap si Nuezca sa anim na kaso sa kanyang 10 taon sa serbisyo. Ito ay kinabibilangan ng grave misconduct, serious neglect of duty, refusal to undergo a drug test, isang kasong administratibo, at suspension. Na-dismiss naman ang dalawang kaso ng homicide na isinampa laban sa kanya noong 2019 dahil sa “lack of substantial evidence.”

Samantala, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na makalulusot ngayon si Nuezca sapagkat matibay ang ebisdensiya laban sa kanya dahil sa viral na video. Hindi rin aniya poprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Nuezca dahil ang nagawang krimen ay hindi konektado sa serbisyo bilang pulis.

“Ang pulis na iyan ay hindi pwedeng mag-invoke ng kahit anong depensa na may kinalamaan ay kaniyang tungkulin,” sabi ni Roque sa isang briefing.

Dagdag pa nito, “Ito ay tatratuhing ordinaryong murder cases at iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin, at mapaparusahan po natin iyang pulis na iyan. No ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil nakita naman natin ang ebidensya ng pangyayari. Hindi po iyan poprotektahan ng Presidente.”

LATEST

LATEST

TRENDING