Pinsala ng Bagyong Vicky sa imprastraktura, umabot ng ₱105-M

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ng: Philippine Coast Guard

Umabot sa ₱105-milyon ang naging pinsala ng Bagyong Vicky sa imprastraktura, giit ng disaster management officials noong Linggo.

Sa huli nitong situation report, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na ₱105.4 milyong halaga ng pinsala sa imprastraktura ang naitala sa Caraga region, batay sa datos ng Department of Public Works and Highways.

Sinira rin ni Vicky ang 83 kabahayan sa Cebu. Sa bilang na ito, 62 ang tuluyang nawasak habang 21 ang partially damaged.

Hindi pa nagbibigay ng datos ang NDRRMC hinggil sa pinsala ng bagyo sa iba pang lugar.

Naiulat din ang pagkawala ng kuryente sa ilang lugar sa Mati City, sa mga bayan ng Manay at Baganga sa Davao Oriental, at sa mga munisipalidad ng Maco at Laak sa Davao de Oro.

Samantala, 1,590 pamilya o 6,702 katao sa 57 barangays ng Davao Region at Caraga ang naapektuhan ng tropical depression. Sa bilang na ito, 5,464 ang nagsipaglikas sa 58 evacuation centers.

133 pasahero naman ang na-stranded sa Cuyo Port sa Palawan, habang 40 naman ang na-stranded sa Hagnaya port sa Cebu.

Inilikas dahil sa matinding pagbaha ang mga residente ng Bislig City sa Surigao del Sur; sa mga bayan ng Prosperidad, San Francisco, at Rosario sa Agusan del Sur; at sa mga nasa Bais City, Amian, at Tanjay City sa Negros Oriental.

Samantala, ilang kabahayan naman sa Barangay San Rafael sa Bislig City, Surigao del Sur ang naapektuhan ng isang landslide.

Hindi pa nagbibigay ng impormasyon ang NDRRMC tungkol sa mga nasawi, subalit iniulat ng mga lokal na opisyal na hindi bababa sa limang katao ang nasawi dahil kay Vicky. Dalawang tao ang binawian ng buhay bunsod ng landslide sa Leyte habang tatlo naman ang namatay dahil sa pagkalunod sa Surigao del Sur.

Ang Bagyong Vicky ang ika-22 bagyong tumama sa bansa ngayong taon. Una itong nag-landfall sa Banganga, Davao Oriental noong Biyernes ng hapin at sa Puerto Princesa, Palawan noong Sabado ng gabi.

LATEST

LATEST

TRENDING