Galvez: ‘Di puwedeng magkaroon ng kickback sa Covid-19 vaccine procurement

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine czar Sec. Carlito Galvez , Jr.

Tinanggihan ni Vaccine czar Sec. Carlito Galvez , Jr. ang anumang posibilidad ng pagkakaroon ng kickbacks sa procurement ng bansa para sa mga bakuna kontra Covid-19.

“Hindi pupwedeng magkaroon ng kickback, dahil ang pondo pong gagamitin natin ay (galing) ADB at tsaka yung World Bank,” giit ni Galvez Jr. sa isang virtual briefing noong Sabado.

Dagdag pa nito, “Wala po sa Cabinet members, wala pong government officials na may access nito except (the) Secretary of Finance.”

Dinipensahan naman ng opisyal ang integridad ni Finance Secretary Carlos Dominguez, dahil sa kakayanan nitong resolbahin ang mga isyu sa mga kontratang dapat tugunan, at si Undersecretary Mark Joven, na nangangasiwa aniya sa mga deals sa ilalim ng heads of terms and supply agreements kaugnay ng isinasagawang vaccine procurement.

Tinugunan na umano ni Galvez ang agam-agam ng mga senador na nag-aakusa ng kickbacks sa vaccine procurement.

“Sinasabi ko sa kanila: huwag kayong maghusga, kasi hindi niyo nakikita ang integrity ng ADB, integrity ng World Bank at tsaka integrity ng DOF natin at tsaka integrity namin ang nakasalalay dito,” paliwanag ni Galvez.

Unang kinuwestyon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang delay sa pagbili ng nasa 10 milyong doses ng Pfizer Covid-19 vaccine dahil umano sa panghihingi ng ilang mga opisyal ng “kickvacc” o komisyon mula sa transaksyon.

Tinanggihan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang akusasyon. Si Duque ay inakusahan din ng “paglaglag ng bola” hinggil sa negosasyon sa Pfizer – bagay na hindi sinang-ayunan ng kalihim at ni Galvez. Makakukuha sana umano ang bansa ng vaccine supply sa Enero kung mabilis na umaksyon ang bansa, giit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Ang nasabing bakuna na nabuo sa partnership sa pagitan ng Pfizer at BioNTech, ay nakakuha na ng emergency use authorization mula sa mga bansang tulad ng Estados Unidos, United Kingdom, at Singapore.

Sinisikap ng pamahalaan na mabakunahan ang mga Pilipino laban sa Covid-19 simula sa unang quarter ng 2021.

LATEST

LATEST

TRENDING