Duterte, ‘walang nakikitang major lapse’ sa umano’y pag-itsapwera ni Duque sa Pfizer vaccine deal

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III

“Walang nakikitang major lapse” si Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III, na inaakusahang “naglaglag ng bola” sa negosasyon ukol sa pagsuplay ng Covid-19 vaccine ng kumpanyang Pfizer mula Amerika sa Pilipinas, pahayag ng Malacañang noong Huwebes.

Unang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Locsin Jr. na “may naglaglag ng bola” sa planong pagkuha ng 10 milyong doses ng Pfizer vaccine, na maaari sanang naipadala sa bansa pagsapit ng Enero 2021. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ang tinutukoy ni Locsin ay si Duque.

Hinikayat naman umano ni Duterte si Duque na “sagutin ang mga alegasyon ni Secretary Locsin sa kaparehong paraan nang ipinagtanggol niya ang kanyang sarili sa meeting kahapon–very lively, animated [at] emotional,” sabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sinabi ni Duque sa pagpupulong kasama ni Duterte noong Lunes na walang naging  “dropping of the ball” dahil nagpapatuloy aniya ang negosasyon.

“Hintayin na lang po natin ang mga kasagutan ni Secretary Duque. But I think from the overall demeanor of the President, wala naman po siyang nakikitang major lapse dahil ang pinag-uusapan po ay kontrata at hindi naman po abogado po is Secretary Duque,” wika naman ni Roque sa isang online press briefing.

Dagdag pa nito, “At wala rin pong danyos na nangyari because patuloy pa rin po ang pagkuha natin ng Pfizer.”

Ang Pfizer vaccine ay inaasahang darating sa bansa sa ikalawa o ikatlong quarter ng 2021. Ang unang bakuna na posibleng makuha ng Pilipinas ay ang Sinovac galing China, paglilinaw ni Roque.

Malabo umanong makuha ng Pilipinas ang Pfizer vaccine sa Enero 2021 sapagkat ang inisyal na suplay ay “binayaran na ng mga mayayamang bansa”.

Idiniin naman ni Roque na ang hidwaan nina Duque at Locsin “ay hindi makakaapekto sa pangangailangang makakuha ng bakuna dahil ang vaccine czar ay walang iba kundi si Secretary [Carlito] Galvez.”

Aniya, “Mag-away na ang lahat kung gusto nila. The President has made it clear: there is only one person in charge of getting the vaccine, it’s Secretary Galvez.”

“These conflicting opinions between Secretary Locsin and Secretary Duque in the end does not really matter because it’s Secretary Galvez who has full authority,” dagdag pa ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING