Duque, hinikayat ang publiko na magtiwala sa vaccine screening process ng bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DOH Secretary Francisco Duque
Kuha ni: Edwin Bacasmas

Sinabi ng Department of Health (DOH) noong Miyerkules na sasailalim sa mabusising screening process ang bakuna kontra Covid-19 ng China tulad ng iba pang vaccine candidates.

Sa isang press briefing, inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat magtiwala ang publiko sa screening process ng Food and Drug Administration (FDA) at ng Department of Science and Technology (DOST).

Aniya, “Mayroon tayong nakatakdang proseso, at dapat sundin ‘yan, respetuhin ang DOST, ang kanilang vaccine panel, sila po ang sumusuri ng lahat ng scientific evidence para patunayan na itong mga bakuna ay ligtas, may dekalidad at epektibo, at kaya na implement, ipatupad.”

Nauna namang sinabi ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na binabalak ng bansa na bumili ng 25 milyon doses sa susunod na taon, habang isinasapinal ang pag-uusap sa kumpanya.

Subalit, umani ng pambabatikos kamakailan ang mga produkto ng Sinovac matapos iulat ng Washington Post na inamin ng chief executive officer ng kumpanya na nanuhol ito.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Duque na pagkatapos ng evaluation sa DOST, kinakailangan namang aprubahan ang bakuna ng Single Joint Research Ethics Board at ng Food and Drug Administration. 

“Ang FDA ang magsasagawa ng regulatory and technical evaluation. ‘Yan ang mangyayari. Dadaan pa pala ito sa health technology assessment council, under the Universal Health Care Law. Mandated ang HTAC (Health Technology Assessment Council) [to make] an assessment on a set of literal parameters,” dagdag pa ng kalihim.

Sinang-ayunan naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang naging pahayag ni Duque at idiniing walang Pilipinong matuturukan ng bakunang hindi ligtas.

“It has to go through the regulatory process… And only those who would pass the regulatory process would be made available and given to the recipients of the population,” sabi ni Vergeire. 

Binanggit ng Sinovac noong Nobyembre 18 na ipinapakita ng mid-stage trial results nito ang pagkakaroon ng quick immune response. Ang interim data naman mula sa late stage trial nito ay posibleng dumating ngayong taon.

Lumalabas na ang Sinovac ang ikalawang pinakamahal na Covid-19 vaccine batay sa inisyal na estimates, at ito ay inaasahang magkakahalaga ng P3,629.50 para sa dalawang doses.

LATEST

LATEST

TRENDING