Private hospitals, nangangamba dahil sa kakulangan ng health workers sa posibleng post-holiday Covid-19 surge

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Department of Health

Nagbabala ang isang grupo ng mga private hospitals noong Lunes na walang sapat na healthcare workers para tugunan ang posibleng pag-akyat ng Covid-19 patients matapos ang panahon ng Kapaskuhan.

“Kahit po gusto naming maghire ng additional nurses, ay wala na po kaming ma-hire,” giit ni Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines sa Balitaan ng CNN Philippines.

Sinabi ni De Grano na ilang mga nurses ang nag-resign na dahil sa pananalasa ng pandemiya habang ang iba naman ay nangibang bansa matapos alisin ang overseas deployment ban para sa medical workers.

“Wala na talaga siguro tayong nurses kasi yung iba talaga na may mga kontrata na sa ibang bansa, pinaaalis na po ng gobyerno,” dagdag pa ni de Grano.

Ang ilang natirang frontliners naman ay nagreklamo hinggil sa naantala nilang sahod, pati na rin ang hazard pay at Covid-19 special risk allowance na nakasaad sa batas.

May kakulangan din umano ng pondo para sa ibang resources ng pribadong mga ospital, wika ni De Grano bunsod ng “slight delay” sa reimbursements ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Nanawagan ang grupo sa ahensya na tugunan ang problemang ito.

“Although they (private hospitals) can manage pa po right now; ang problema ‘pag biglang nagkaroon ng surge po,” diin ni De Grano.

Dagdag pa nito, “Nakikiusap kami na kung maaari ‘yung mga reimbursement naming na mga private hospitals ay maibigay naman sa mga hospitals kaagad.”

Inihayag naman ng Department of Health (DOH) na naghahanda ito para sa posibleng spike ng Covid-19 cases pagsapit ng Enero. Kabilang dito ang pagpupulong kasama ang regional health offices at medical experts para paigtingin ang kapasidad ng mga ospital, at para magbuo ng contingency plans.

Sinabi naman ng OCTA Research Team na ang reproduction rate sa Metro Manila ay nasa 1.06 na batay sa datos noong Lunes. Tumutukoy ito sa bilang ng mga taong puwedeng mahawaan ng taong mayroon nang virus sa katawan.

“An Ro below one means the trend in new cases is downward, while an Ro above one means the trend is upward. The increase due to the holidays was very likely,” paliwanag ni OCTA Research Team member Guido David noong Linggo.

Paulit-ulit na nagpaalala ang DOH sa publiko na limitahan ang pagtitipon sa Pasko at Bagong Taon sa mga kasama lamang sa tahanan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus, na nakapanghawa na nang mahigit 449,000 katao sa buong bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING