Duque, sinubukang pawiin ang pangamba ng publiko tungkol sa Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Pinabulaanan ni Health Secretary Francisco Duque III noong Biyernes ang agam-agam ng publiko ukol sa Covid-19 vaccination habang patuloy na bumabagabag sa kumpiyansa ng publiko sa pagbabakuna ang isyu ng Dengvaxia.

Ayon sa kalihim, ang lebel ng transparency sa mga huling developments tungkol sa Covid-19 vaccines ay wala pa noong inilabas ang Dengvaxia dengue vaccine ng Sanofi Pasteur. Ang mga positibo at negatibong epekto ng Covid-19 vaccine clinical trials ay iniuulat na ng mga kumpanya, isinasapubliko ng news outfits, at agarang mababasa online.

“Social media is replete with information, we’re bombarded. We never had that with Dengvaxia so the beauty of this is the whole world is a witness in the vaccine development programs of different countries… Mas transparent ngayon,” giit ni Duque sa isang media briefing.

Kumpiyansa ang kalihim na ang transparency sa datos ay makapagbibigay ng tiwala sa publiko hinggil sa mga bakuna.

“If there is transparency, that will inspire the public’s confidence to take the vaccine rather than doing it in an opaque manner,” dagdag pa ng kalihim.

Unang ibinalita ng Department of Health (DOH) na ang vaccine hesitancy bunsod ng Dengvaxia isyu ay nakapagdulot ng mas mababang immunization rate sa bansa.

Ang Dengvaxia, na kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo, ay inilabas sa Pilipinas noong 2016 sa ilalim ng pamumuno ni noo’y DOH Secretary Janette Garin. Mahigit 800,000 na bata ang nabakunahan sa school-based dengue immunization program.

Iniulat ng Sanofi Pasteur noong Nobyembre 2017 na mas mataas ang risk ng Dengvaxia para sa mga taong hindi pa nahahawaan ng virus. Tinatayang nasa 10 percent ng mga estudyanteng nabakunahan ng Dengvaxia ang hindi pa nagkakaroon ng dengue subalit nalagay sa alanganin na magkakaroon ng “severe disease.” Ang naturang kontrobersya ay nag-udyok sa DOH na ipahinto ang nationwide dengue immunization program at hiniling na ibalik ang bilyun-bilyong pisong ibinayad para sa mga bakuna.

Sa gitna ng isyu, umani naman ng pambabatikos si Public Attorney’s Office chief Persida Acosta matapos umanong magpalaganap ng “fake news” na nakapagbawas ng kumpiyansa ng publiko hinggil sa vaccines. Nagdulot din ito ng spike sa polio at measles cases.

Kinasuhan ni Acosta ang ilang dati at kasalukuyang mga opisyal – kabilang si Duque – matapos magkasakit o mamatay ang mga batang nakatanggap ng Dengvaxia mula 2016-2017. Ayon sa forensic personnel ni Acosta, ang dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng mga bata.

Subalit, itinanggi ito ng DOH at sinabing wala aniyang pruwebang ang Dengvaxia ang dahilan ng mga kaso ng pagkamatay.

LATEST

LATEST

TRENDING