PH, handang gumastos ng P73-B para sa Covid-19 vaccine procurement: DBM Secretary

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DBM Secretary Wendel Avisado
Kuha ni: Angie de Silva (Rappler)

Nakahandang gumastos ang pamahalaan nang aabot sa P73 bilyon para sa procurement ng mga bakuna kontra Covid-19 upang makamit ang “herd immunity”, giit ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado noong Sabado.

Ayon sa kalihim, may kasalukuyang P10 bilyong standby funds ang pamahalaan para sa vaccine procurement sa ilalim ng Bayanihan 2, habang may inilaang P2.5 bilyong initial budget naman para sa vaccine procurement sa ilalim ng ipinapanukalang 2021 national budget.

Ang P73 bilyong badyet ay magiging sapat aniya para bakunahan ang 60 milyong Pilipino, wika ni Avisado.

Aniya, “Sa huling report ni [Finance chief] Sonny Dominguez in the last meeting namin ay sinabi niya na nakahanda na ang ating pamahalaan na gumastos ng hanggang P73 billion para nang sa ganoon ay ma-vaccinate natin ang 60 milllion Filipinos or more para ma-attain ang herd immunity.”

Samantala, inihayag naman ng Food and Drug Administration (FDA) na magpapahintulot na ito ng Covid-19 vaccine candidate para sa emergency use pagsapit ng Enero 2021.

Nauna nang naglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa FDA upang mag-awtorisa ng emergency use authorization para sa mga gamot at bakuna laban sa Covid-19.

Sinabi naman ng isang mambabatas na kinakailangan nang hindi bababa sa P140 bilyon para makamit ang herd immunity.

Gayunpaman, tiniyak ni Avisado na naghahanap ang pamahalaan ng ibang paraan para pondohan ang vaccine procurement, tulad ng pangungutang mula sa World Bank at Asian Development Bank.

LATEST

LATEST