Matapos maluklok bilang bagong pinuno ng naghaharing partido sa pulitika na PDP-Laban, iniwasan muna ni Senador Manny Pacquiao ang usapin tungkol sa kanyang mga plano sa pulitika pagsapit ng 2022.
“I don’t like to talk politics right now,” ani Pacquiao noong Huwebes nang tanungin kung nais nito ng re-election o tumakbo sa mas mataas na posisyon kapag natapos na ang kanyang termino bilang senador sa 2022.
Ayon kay Pacquiao, may mga bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin at maaga pa aniya para pag-usapan ang eleksyon.
Aniya, “A lot of people are starving and suffering,”
“‘Yan yung mga tao na kailangan natin pagtuunan ng pansin at pag-usapan, kasi masama ang loob ko pag palaging politics ang pinag-uusapan sa panahon ngayon dahil hindi pa naman eleksyon,” dagdag pa ng senador.
Nabanggit din ni Pacquiao ang kanyang naging unang pahayag tungkol sa pagsisisi sa pagpasok sa pulitika, na sinabi niya sa isang podcast na inilabas ng isang vlogger noong nakaraang linggo.
“That’s correct. I regret na pumasok pa ako dito sa masalimuot na pulitika at ang daming mga problema,” paliwanag ni Pacquiao.
Dagdag pa nito, “Hindi ko masikmura ang corruption in government, ‘yung pagiging plastikan sa isa’t isa.”
Nanumpa si Pacquiao bilang acting national president ng PDP-Laban noong Miyerkules.