Duterte, tinuligsa ang Makabayan bloc dahil mga komunista aniya ang mga ito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot ang pamahalaan sa red-tagging ng Makabayan bloc organizations, subalit sinuportahan ang tindig ng militar na ang mga nasabing organisasyon ay fronts ng Communist Party of the Philippines.

“We are not red-tagging you. We are identifying you as members in a grand conspiracy comprising all the legal fronts that you have organized headed by NDF (National Democratic Front) and Communist Party of the Philippines,” ani Duterte sa lingguhang briefing ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Lunes.

Kinundena rin ng pangulo ang communist movement, at sinabing wala itong ideolohiya kundi layunin lang na pabagsakin ang gobyerno.

Aniya, “May mga ilang tao na nanggaling sa inyong kampo na openly attacked you, not only criticized, for your sheer brutality in this communal war.”

Nagkomento rin ito sa pagpaslang kay Jevilyn Cullamat, isang Lumad at anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, sa isang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at New People’s Army sa Surigao del Sur noong Sabado.

“Kita niyo iyong kay Cullamat, anak niya mismo, babae pa. Sigurado patay iyan, ilaban mo sa sundalo, patay iyan,” giit ni Duterte.

Nagbabala naman ang pangulo sa mga kaalyadong Lumad ng CPP at NPA na magiging “extinct tribe” ang mga ito kung ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga komunista at hindi uuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Hinamon naman ni Duterte ang founder ng CPP na si Jose Maria Sison na makipagdebate tungkol sa “communist” ideology. Tinuligsa rin nito si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate dahil sa pagiging “communist at co-conspirator” ng NPA.

Paulit-ulit na tinanggihan ng Makabayan bloc na miyembro sila ng CPP, na patuloy na nakikipaglaban sa pamahalaan sa loob ng limang dekada.

Sinabi ni dating Bayan Muna Party-list Rep. Teddy Casiño sa isang Senate hearing noong nakaraang linggo na dapat dinggin ng pamahalaan ang hinanaing ng mga rebeldeng komunista sa halip na agaran silang bansagan bilang mga kaaway.

Ayon naman kay National Intelligence Coordinating Agency chief Alex Paul Monteagudo, ang CPP, sa pamamagitan ng armadong hukbo nitong New People’s Army (NPA), ay hindi lamang nagrerebelde laban sa pamahalaan subalit isa rin umano itong terrorist organization.

Binuo ng Duterte administration ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang paigtingin ang pwersa ng pamahalaan sa ilalim ng “whole-of-nation approach” sa paglaban kontra CPP-NPA at hikayatin ang mga ito na sumuko na.

Umani naman ng pambabatikos si task force spokesperson Gen. Antonio Parlade dahil sa pangre-red tag ng mga celebrities na kaugnay sa Makabayan bloc.

12 na mga organisasyon ang nasa ilalim ng Makabayan: Bayan Muna, ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Katribu, Migrante, Akap-Bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.

Bukod kina Cullamat at Zarate, ang iba pang mga kongresista ng Makabayan bloc sa Kamara ay sina Rep. Ferdinand Gaite ng Bayan Muna, Sarah Elago ng Kabataan, France Castro ng ACT-Teachers, at Arlene Brosas of Gabriela.

Sa inilabas na pahayag noong Lunes, dinipensahan ni Gaite ang bloc at sinabing ang mga birada ng pangulo laban sa kanila ay isa lamang “chilling propaganda to legitimize red-tagging and subsequent attacks against their critics.”

“We from the Makabayan bloc are busy in Congress drafting laws to benefit the people…walang rebelyon, walang pagpapatalsik, ang meron lang ay mga panukalang batas para mapabuti ang kalagayan ng mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.

LATEST

LATEST

TRENDING