Roque, sinabihan ang audience sa isang event sa Cebu na isuot lamang ang face masks dahil ‘open air’ naman

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Harry Roque
Presidential Spokesperson Harry Roque
Kuha ni: Dale Israel (Inquirer Visayas)

Umani ng pambabatikos ang ginanap kamakailan na isang tourism event sa Bantayan Island, isang tanyag na detinasyon sa Cebu province, dahil sa pagbabalewala ng social distancing protocols sa presensya ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang si Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kumalat ang mga larawan sa social media ng ginanap na pagtitipon sa Kota Park, sa bayan ng Madridejos noong Biyernes. Ayon sa mga netizens, isa itong uri ng mass gathering, kung saan ipinagbabawal ito alinsunod sa umiiral na comuunity quarantine protocols bunsod ng Covid-19 pandemic.

Bago pa man umalingawngaw ang kritisismo online, inamin ni Roque na mayroon ngang kawalan ng physical distancing nang magsalita ito sa ginanap na event. Pinaalalahanan niya ang audience na obserbahan ang minimum health standards, kabilang ang pagsusuot ng face masks at regular na paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang paglaganap ng Covid-19.

Aniya, “Anong isusuot? Masks. Anong dapat gawin? Hugas. At pangatlo, ang hindi natin nasusunod ngayon.”

Dagdag pa ng kalihim, maaari na ring hindi sundin ang one-meter distancing rule kung magsusuot naman ng face masks sa isang open-air venue.

“Pero huwag n’yo lang tatanggalin ang mga masks niyo, okay na yan dahil open air naman tayo,” ani Roque, na siya ring tagapagsalita ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang policy-making body sa Covid-19 response ng gobyerno.

Naunang pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mataas pa rin ang risk ng coronavirus transmission sa mga matataong lugar kahit na nakasuot pa ng face masks at face shields ang mga tao. Ito ay bilang pagresponde sa pagdagsa ng tao sa Divisoria market.

Ayon sa huling pahayag ni Roque, “nagulat” siya sa dami ng dumalong audience subalit dumipensang isa siyang bisita na “walang kontrol” sa ginanap na pagtitipon.

Sinabi rin ng mga lokal na opisyal na hindi nila inasahan ang malaking audience sa Bantayan. Sinikap ng mga pulis na kontrolin ang mga bisita, na kinabibilangan ng mga residente at estudyante, na nais matunghayan ang mga opisyal ng pamahalaan, performers, at mga kandidata ng Miss Universe 2020.

Iginiit naman ni Madridejos Mayor Salvador Dela Fuente na pinaalalahanan nila ang publiko na obserbahan ang social distancing.

“Because of the eagerness and enthusiasm of the crowd,” ani Dela Fuente.

Dagdag pa nito, “Here in Madridejos, located in an island, people wanted to see the Secretary, Governor so they were already out of control.”

Nangako naman itong mas pagbubutihin ang management para sa mga gaganaping event sa hinaharap.

Ang Madridejos tour ay dinaluhan din nina Cebu Gov. Gwen Garcia, Presidential Assistant for the Visayas Michael Dino, Department of Tourism-Central Visayas Director Shahlimar Tamano, at DOH-Central Visayas Director Jaime Bernadas.

Ito ay kabahagi ng Suroy-Suroy Sugbo program, na layong buksan ang aktibidad ng turismo sa ilalim ng new normal. Sa unang destinasyon na Santa Fe, naobserbahan ang social distancing.

LATEST

LATEST

TRENDING