FDA: Covid-19 vaccine, posibleng dumating na sa PH bago matapos ang 2nd quarter ng 2021

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Maaaring maging available ang bakuna kontra Covid-19 sa Pilipinas nang mas maaga sa inaasahang “best-case scenario” ng mga opisyal, kung papahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-awtorisa ng emergency use para rito.

Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo noong Biyernes na posibleng dumating ang mga bakuna sa bansa bago magtapos ang second quarter ng 2021, ang ideal timeline na itinakda ng mga opisyal.

Ayon kay Domingo, kapag makatanggap ang vaccine manufacturers ng emergency use authorization mula sa FDA ng ibang bansa, pabibilisin nito ang pag-review sa lokal na FDA ng bansa sapagkat nagkaroon na ng masusing pag-aaral hinggil sa pagiging ligtas at epektibo ng gamot.

Aniya, “Yes, I would think so. Once we have the EUA mechanism in place then once nakakuha na sila ng EUA for example sa US FDA, mas mapapabilis talaga ang proseso… That will hasten the process of having them available here.”

Ibinhagi nitong halimbawa ang mga kumpanyang Pfizer, Moderna, at AstraZeneca na nagbabalak mag-apply para sa emergency use sa Estados Unidos. Hindi umano magtatagal bago sila ay mag-apply naman sa ibang mga bansa tulad ng Pilipinas.

Inaprubahan na aniya ni Duterte “in principle” ang kautusang magbibigay awtoridad sa FDA na mag-isyu ng EUA para sa vaccine firms alinsunod sa mabusising pagsusuri, ani Domingo. Subalit, kinakailangan aniyang maglabas pa rin ng executive order. Kapag na-isyu na ito, maaaring bawasan ng FDA ang anim na buwang review process nito sa isang buwan lamang.

Tiniyak naman ni Domingo sa publiko na hindi makokompromiso ang kanilang kaligtasan dahil sa pinabilis na proseso. Tinutugunan na umano ng FDA at Department of Health ang pagpapaigting sa vaccine monitoring ng pamahalaan upang agarang matukoy ang mga posibleng maging problema kapag inumpisahan na ang immunization.

“Kapag ginamit natin siya under emergency use, kailangan very strong naman ang ating surveillance para makita kung mayroon tayong adverse events na darating or kung may nakikitang signals that might make us reevaluate the program or the use of the vaccine,” ani Domingo.

LATEST