Sinas, hinikayat ang mga kritiko na ihinto na ang usapin tungkol sa ‘mañanita’ isyu

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PNPChief Maj. Gen. Debold Sinas

Hinikayat ng bagong Philippine National Police (PNP) chief na si Maj. Gen. Debold Sinas ang kanyang mga kritiko na wakasan na ang usapin hinggil sa mga kontrobersiyang kinaharap nito sa pag-uumpisa nito sa kanyang bagong puwesto.

Noong Martes, umapela si Sinas sa publiko na mag “move on” na mula sa isyu ng kanyang pagdaraos ng mañanita o birthday celebration na lumabag sa mga umiiral na quarantine protocols. Idinagdag nitong ang isinampang reklamo laban sa kanya ay pending umano sa Taguig City Prosecutor’s Office.

“Let’s move on. It’s been six months already,” giit ni Sinas.

Ang noo’y National Capital Region police chief na si Sinas ay sinorpresa ng kanyang mga personnel ng isang mañanita o birthday serenade noong Mayo 8 sa NCRPO headquarters sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Naglipana ang mga larawan ng idinaos mañanita, na kinalauna’y binura, na pinaskil ng NCRPO sa social media account nito. Makikita sa mga larawan ang ilang mga pulis at bisita na nakapila sa buffet table.

Makikita rin si Sinas na tumanggap ng bulaklak mula sa mga bisita, nag-ihip ng kandila sa birthday cake, at nag-pose kasama ang mga kapwa pulis.

Tinanggihan naman ni Sinas na sangkot ito sa naging patayan sa Central Visayas noong siya pa ang nanunungkulan bilang hepe ng regional police.

Aniya, “Actually, di ko alam. When I was in Cebu, we have operations, we have the implementation of search warrants which is on illegal drugs and illegal possession of firearms.”

“During operations, dine-declare namin ‘yon kapag may casualties,” dagdag pa ni Sinas.

Ayon sa mga ulat, sinabi ng Commission on Human Rights sa Region 7 na tumaas ang bilang ng patayang may kaugnayan sa iligal na droga sa ilalim ng liderato ni Sinas.

Gayunpaman, iginiit ni Sinas, na siyang chief police ng Central Visayas mula Hulyo 2018 hanggang Oktubre 2019, na handa siyang harapin ang mga reklamo sakaling mapatunayan ang mga alegasyon.

“I don’t know what their charges are, haharapin namin ‘yan,” wika ni Sinas.

Dagdag pa nito, “They could always complain to any agency, kung alam nilang meron. Pero wala po akong pang-aabuso dun sa Region 7.”

Noong Marso 2019, hindi bababa sa 14 katao ang napatay sa isang joint police and military operations sa Negros Oriental sa loob lamang ng isang araw. Naitala rin ang mga insidente ng pamamaril sa lalawigan noong Hulyo 2019.

Pinaimbestigahan na ng Senado ang mga nasabing insidente sa dalawang lalawigan ng Negros noong Agosto 2019.

“We have been investigated in the Senate…and we answered the questions,” depensa ni Sinas.

Dagdag pa nito, “I think after one hearing, we were able to convince them that the Police Regional 7, we are doing our job to investigate, whatever the allegations.”

LATEST

LATEST

TRENDING