PRRD: “Kung gusto ninyong magkapera, umalis na lang kayo sa gobyerno”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Muling nagbabala noong Martes si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan na sangkot sa mga kurap na aktibidad.

Sa kanyang lingguhang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng Gabinete, pinangalanan ni Duterte ang mga sinuspinde at na-dismiss na mga opisyal ng Bureau of Immigration at Department of Public Works and Highways.

Nagbabala ito sa mga nahaharap sa kaso na maaari silang palitan anumang oras, lalo na sa panahon ngayon na maraming tao ang nawalan ng hanapbuhay bunsod ng pandemiya.

Hinikayat din sila ng pangulo na umalis na sa pamahalaan kung nais lamang nilang kumita ng pera.

Aniya, “Kung gusto ninyong magkapera, umalis na lang kayo sa gobyerno. Magnegosyo, magnegosyo kayo sa labas.”

Binigyang diin naman ni Duterte para sa mga suspendidong empleyado na titiyakin niyang mapapatalsik sila sa serbisyo sakaling masasangkot muli sa anumang uri ng katiwalian.

“Lahat ‘yung suspended, next time magkaroon kayo maski simple, or simple neglect of duty or whatever, if it falls as a ground for dismissal, papaalisin ko na kayo,” dagdag pa ng pangulo.

Ipinatawag ni Duterte noong Lunes sa Malacañang ang nasa 40 Immigration personnel, na sinuspinde kaugnay ng “pastillas” scheme, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Ayon kay Roque, inutusan umano ng pangulo ang mga opisyal na kumain ng perang nakabalot sa pastillas.

Ang pastillas scheme, na naging usap-usapan noong Pebrero, ay nagpahintulot sa mga Chinese nationals na makapasok ng bansa kapalit ang panunuhol.

Ang nasabing operasyon ay binansagang  “pastillas” dahil ang pera ay itinatago sa nirolyong bond paper tulad ng pambalot sa pastillas.

LATEST

LATEST

TRENDING