PRRD, gustong ‘makipaglangoy’ sa mga biktima ni ‘Ulysses’ subalit pinipigilan ng mga ‘sundalo’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Muling nagsalita sa harap ng publiko si Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes kasabay nang paghagupit ng Bagyong Ulysses sa bansa.

Nagdala si Ulysses ng mabibigat na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang National Capital Region.

Iginiit ni Duterte na nakahanda umano ang pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.

Aniya, “Agencies have already been mobilized to respond to the situation on the ground.”

“As one nation, kapit po tayo mga kababayan, magbayanihan po tayong lahat,” dagdag pa nito.

Sinagot naman ni Duterte ang mga kritisismo tungkol sa kanyang presensya tuwing may  krisis.

“Wala kaming tulog dito,” ani Duterte, habang sinabing kagagaling lang niya sa virtual forum ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Dagdag pa nito, gusto umano niyang lumabas upang tumulong sa mga tao. Kung siya umano ang magdedesisyon, lalabas umano ito para puntahan ang mga naging biktima ng bagyo.

Aniya, “Gusto kong lumangoy, matagal na akong hindi naligo eh. Kaya lang, ayaw nitong mga sundalo, sila ang ayaw gustong maligo, ibig sabihin.”

“It’s not that I’m at a distance from you. Gustong pumunta doon, makipaglangoy nga sa inyo. Ang problema, pinipigilan ako kasi raw, ‘pag namatay ako, isa lang ang presidente. Sabi ko, may vice president naman. Wala naman silang sinasagot. Nagtitinginan lang sila tapos hindi, hindi ka pwedeng mamatay itong panahon na ito. Kung malunod ka, malulunod kaming lahat nagtatrabaho sa iyo,” paliwanag ni Duterte.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nag-deploy na ng 3,261 search and rescue personnel ang Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa pagsalubong ng bagyo.

Nag-deploy rin ang Philippine Coast Guard ng mga tauhan nito sa Cavite, Manila, Marikina, Montalban at Rodriguez sa Rizal upang tulungan ang mga LGUs sa isinasagawang rescue and relief operations.

Sinabi rin ni Roque na ang Department of Social Welfare and Development at National Resource Operations Center (NROC) ay mayroong mahigit na P800 milyong stockpiles at standby funds.

LATEST

LATEST

TRENDING