Duterte, inaprubahan na ang National Vaccine Roadmap

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Kinumpirma ng Malacañang noong Lunes, Nobyembre 9, na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Vaccine Roadmap ng National Task Force (NTF).

 “Tulad ng madalas kong sabihin, the availability of the vaccine will be a game-changer – where we go from avoidance, to actively minimizing the threat of the infection,” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque Jr. na sinabing ang roadmap ay magsisilbing gabay para sa pagdating ng bakuna laban sa Covid-19.

Dagdag pa nito, “Samantala po alalahanin po natin yung hinihingi ng ating Presidente: mask, hugas, iwas. Dahil ang gusto natin umabot tayo sa paglabas ng bakuna.”

Binigyang diin ni Roque na ang pinakamahalagang konsiderasyon ay ang kaligtasan, na sinundan ng efficacy, sensitivity, at cost at complexities ng supply chain requirements. Kabilang sa iba pang mga konsiderasyon ang access para sa clinical trials at regions/local production at distribution, complexities sa ground preparation at implementasyon, at world supply and demand sa vaccines.

Ang Philippine National Vaccine Roadmap ay may pitong importanteng stages na tinalakay ni Roque.

Ang Stage 1, na pinaka-kritikal, ay ang scientific evaluation at selection na pinangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST).

Ang access at acquisition, na magsisiguro sa access para sa vaccines, ay pinangungunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Finance (DOF). Ang procurement naman ay gagawin ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PSDBM) at DOF.

Ang procurement, shipment, at storage ay hahawakan din ng PSDBM at ng Task Group Resource Management and Logistics (TGRML) ng NTF.

Ang distribution at deployment naman ng bakuna ay hahawakan ng PSDBM at TGRML.

Stage 6 ay ang implementasyon at nationwide vaccination na pangangasiwaan ng DOH, bilang lead agency, sa pakikipagkooperasyon sa mga national government agencies, local government units, atbp.

Ang panghuling stage naman ay ang assessment, evaluation, at monitoring, na isasagawa ng DOH, DOST, at University of the Philippines National Institutes of Health.

Inaasahang ipatutupad ang vaccine roadmap ngayong taon. Ayon sa roadmap, ang Pilipinas ay magkakaroon ng iba’t-ibang opsyon o decision points patungkol sa vaccine selection pati ang access at mga opsyon sa pagbili nito.

Sa vaccine selection, kasama sa decision points ang safety at efficacy, single dose versus two doses, iba-ibang temperaturang kakailanganganin sa cold chain facility, at kung ito ba ay single source o multi-source.

Samantala, ang access at options sa pagkalap ng bakuna ay alinsunod naman sa enrolment sa COVAX Facility kabilang ang walong nangungunang vaccine manufacturers, bilateral deals ng pamahalaan at vaccine companies, tripartite agreement sa pagitan ng pamahalaan, pribadong sektor, at private company na suportado ng ibang pamahalaan, at multilateral modalities tulad ng pooled purchase.

Binanggit din ni Roque ang prioritization strategy para sa distribusyon ng bakuna.

Aniya, “Mauuna po yung mga mahihirap at indigents. Ito po yung nasa listahan natin ng 4Ps. Pangalawa ang frontliners, ang health care workers, mga sundalo, kapulisan, at yung mga essential services. Pangatlo, lahat ng Pilipino ay makakatanggap ng bakuna, without exception.”

Sinabi rin nitong patuloy na mino-monitor ng Palasyo ang iba-ibang pag-aaral sa bakuna sa buong mundo para tiyaking ligtas at epektibo ang vaccine kapag dumating na ito.

Ibinahagi rin nito ang updates hinggil sa mga plano ng lead agencies tungkol sa bakuna tulad ng vaccine development activities ng DOST, plano ng PSDBM sa vaccine procurement at finance, at ang iba’t-ibang mga aktibidad ng DOH sa vaccine deployment at roll-out.

Sa parehong press briefing, tiniyak naman ni Yerik Cosiquen, President at CEO ng ORCA Cold Chain Solution, na handa ang kanilang kumpanya na magbigay ng cold chain storage para sa anti-COVID-19 vaccines kung kinakailangan, dahil mayroon umano silang mga ganitong pasilidad.

Subok na rin aniya ang kanilang karanasan sa paghawak ng bakuna at sa distribution process.

LATEST

LATEST

TRENDING