Gordon, hindi na-offend nang sabihin ni PRRD na ‘mukhang pera’ ang Red Cross

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Philippine Red Cross chairman Sen. Richard Gordon

Sinabi ni Philippine Red Cross (PRC) chair Sen. Richard Gordon noong Biyernes na hindi siya na-offend sa patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte na “mukhang pera” ang organisasyon, at inilarawan ito bilang “not really presidential.”

Unang binanggit ni Duterte ang mga salitang “mukhang pera” habang inaanunsyo ni Health Secretary Francisco Duque III na ibinalik na ng PRC ang pagsasagawa ng Covid-19 swab testing matapos bayaran nang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ang bahagi ng P1.1-bilyong utang nito sa PRC.

“I’m not offended. I think the President should really be careful. Minsan hindi niya alam that the statement is not really presidential,” wika ni Gordon.

Ayon sa PRC chair, hindi masama ang kanyang loob kay Duterte, subalit sinisi naman nito si Duque dahil sa pagbibigay ng maling impresyon sa pangulo hinggil sa pinakamalaking Covid-19 testing organization sa buong bansa.

“I think he (Duterte) was misled by the statement. The way the predicate was laid out by Sec. Duque was wrong… Sabi niya, ‘Nagtest na ulit nung binayaran,'” paliwanag ni Gordon.

Binanggit naman ni Gordon na hindi ito ang unang beses na ininsulto siya ng pangulo sa mata ng publiko.

Noong 2019, sinabi ng pangulo na isang “fart away from disaster” si Gordon matapos magkomento ang senador tungkol sa pagkiling ni Duterte na magtalaga ng mga dating military officials sa kanyang Gabinete.

Humingi naman aniya ng dispensa ang pangulo tungkol sa nasabing komento.

“Tumawag nung birthday ko. [Sabi niya] ‘Happy birthday, Dick. Nabigla lang ako. Kalimutan na natin ‘yun,'” ani Gordon.

Patuloy na makikipagtrabaho ang PRC sa PhilHealth at sa pamahalaan, giit ng PRC chairman.

Aniya, “I will focus more intensely on the problem at hand.”

“I’ve learned to check my temper, but it doesn’t mean that I’m not gonna fight people who are unfair,” dagdag pa nito.

Noong Nobyembre 5, nakapagbayad na ang PhilHealth ng P700 milyon sa PRC, subalit may babayaran pa itong P377 milyong utang, batay sa datos ng Red Cross.

LATEST

LATEST