Pag-apruba ni PRRD sa PH Covid-19 vaccine roadmap, sinisikap na gawin ngayong linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine czar Carlito Galvez, Jr.

Sinisikap ng bagong vaccine czar kontra Covid-19, na “kinakabahan” sa kanyang bagong posisyon, na kunin ang pahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo para sa roadmap ng pagbili at pag-distribute ng Covid-19 vaccine.

Sinabi ni National Covid-19 task force chief implementer at retired military general Carlito Galvez, Jr. na sinusubukan niyang paaprubahan sa pangulo ang Philippine National Vaccine Roadmap na layong padaliin ang paghahanda sa pagkuha ng Covid-19 vaccines, na inaasahang maihahanda na sa Disyembre.

Nakapaloob sa nasabing roadmap ang pitong stages, na mag-uumpisa sa “most critical” scientific evaluation at selection process para sa mga bakuna na pangungunahan ng Department of Health at Department of Science and Technology.

Susundan naman ito ng access, acquisition at procurement; pagkatapos ay production, shipment, at storage stage – ang pinaka-“challenging” na bahagi sapagkat kinakailangan dito ang special cold chain equipment upang i-transport ang mga bakuna nang naaayon sa oras, o di kaya ay masisira ang mga ito.

Ang Stage 5 naman ay distribution at deployment; na sinusundan ng nationwide vaccination. Ito ay susundan naman ng assessment, evaluation at monitoring.

Ang nasabing plano ay binuo sa tulong mga dalubhasa mula sa World Bank, Asian Development Bank, atbp.

Mahigpit ang schedule ni Galvez dahil ang planning at preparation phases para sa Covid-19 vaccine ay naka-schedule sa huling tatlong buwan ng taon. Nais nitong talakayin ang kanyang plano sa gaganaping pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa Huwebes.

Pagkatapos nito, kinakailangan din niyang i-set up ang National Task Force on Covid-19 Vaccination, kung saan kakalap umano ito ng mga eksperto mula sa University of the Philippines National Institutes of Health at Philippine General Hospital. Sa pagitan ng Nobyembre at Disyembre, dapat na rin aniyang umpisahan ang clinical trials at aprubahan ang bakuna para sa local use.

Sa pagitan naman ng Enero at Marso ng susunod na taon, dapat namang ilagay ang mga bakuna sa cold chain storage facilities na mayroong sub-zero na temperatura.

Samantala, dinipensahan naman ni Galvez ang kanyang pagkakatalaga bilang vaccine czar, dahil makatutulong umano sa kanyang trabaho ang kanyang military training sa logistics.

“Ako po’y nagpapasalamat sa ating Presidente sa kanyang tiwala… Sa totoo lang, I feel so nervous dahil alam kong napakalaki ng responsibilidad na iniatang sa aking balikat,” pag-amin ni Galvez.

LATEST

LATEST