Duterte, inaasahang magbibigay ng public address tungkol sa Bagyong Rolly

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Magbibigay ng public address sa taumbayan si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa sitwasyon ng Bagyong Rolly sa Linggo o Lunes ng gabi, ayon sa Malacañang noong Nobyembre 1.

Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kahit absent ang pangulo sa ginanap na National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) briefing, patuloy nitong mino-monitor ang preparasyon ng pamahalaan para sa super typhoon.

Aniya, “Nakamonitor po ang Presidente and we actually expect him to address the nation. Di ko lang po alam kung kailan.”

Ayon kay Roque, si Duterte umano ang nagpatawag ng press conference kasama ang NDRRMC at iba pang kaugnay na ahensya.

Nang tanungin naman kung bibisitahin ng pangulo ang mga sinalantang lugar, sinabi ni Roque na nakasalalay umano kay Duterte ang desisyon.

“Bagamat mahirap po magbiyahe ngayon dahil sa panahon ng Covid e mino-monitor po ‘yan ng Presidente at siyempre po ang desisyon kung siya ay makaka-ikot, Presidente po ang gagawa niyan,”wika ni Roque.

Ang lahat ng mga ahensya aniya ay “on standby” upang magresponde sa anumang pangyayari bunsod ng bagyo.

“Ang mandato po ng Presidente gawin ang lahat ng maisalba na naman ang ating mga kababayan dito sa trahedya ng Super Typhoon Rolly,”giit ng tagapagsalita ng pangulo.

Kasalukuyang mino-monitor ng pangulo ang sitwasyon ng bagyo mula sa Davao City.

Sinabi ni Roque na lilipad si Duterte pabalik ng Manila sa Nobyembre 3.

Nag-landfall nang ikalawang beses si “Rolly” sa Tiwi, Albay noong 7:20 a.m. ng Linggo, tatlong oras matapos itong unang mag-landfall sa Bato, Catanduanes.

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 sa Camarines Sur at Albay, ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Bicol Region at Southern Luzon ay nasa ilalim naman ng Signal No. 4.

LATEST

LATEST