Roque, iginiit na nagsasalita lamang sa ngalan ni PRRD matapos sabihin ni Gordon na may ‘big mouth’ ito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque
Kuha ni: Joan Bondoc (Inquirer)

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 29 na ang kanyang mga pahayag ay sumasalamin lamang kay Pangulong Rodrigo Duterte, matapos punain ni Sen. Richard Gordon ang mga naging komento nito tungkol sa pagpapatigil ng Covid-19 testing ng Philippine Red Cross (PRC) dahil sa utang ng pamahalaan.

Ayon kay Gordon na siyang chairman ng PRC, palagi umanong isinasali ni Roque ang kanyang sarili sa mga usapin ng PhilHealth.

“Big mouth don’t make a big man,” wika ni Gordon tungkol kay Roque.

Dagdag pa nito, “He’s spokesman of the President, the President told him pay it. What is he doing interpreting? He’s always been involving himself in PhilHealth affairs.” 

Ipinaliwanag naman ni Roque, na nakaalitan ang dating pangulo ng PhilHealth na si Ricardo Morales, na hindi sa nagsasalita sa personal na antas. 

Aniya, “Hindi naman po tayo naghihimasok sa issue ng PhilHealth at ng Philippine Red Cross. Kaya lang po, nagsasalita tayo sa ngalan ng ating Presidente.”

“At importante po talaga kay Presidente Duterte ang testing dahil alam po nating napakaimportanteng kabahagi ito ng ating stratehiya laban sa COVID-19,” dagdag pa ni Roque.

Noong Hunyo, binanatan ni Roque ang PhilHelth tungkol aniya sa kapabayaan nito para tugunan ang kurapsyon sa loob ng ahensya kahit na humingi ito ng karagdagang pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.

Isa si Roque sa principal authors ng Universal Health Care Law noong ito’y nakaupo pa bilang mambabatas.

Nagbayad naman ng P500 milyon ang PhilHealth sa PRC noong gabi ng Oktubre 27, o halos kalahati ng P1.1 bilyong utang nito. Idiniin naman ni Gordon na ang natitirang P561 milyong balanse, na kumakatawan sa 160, 475 tests, ay dapat nang bayaran sa loob ng tatlong araw.

“Patuloy naman po ang pag-uusap sa panig ng PhilHealth at Red Cross… Kampante naman po tayo na since it was no less than the President that said that the Philippine government will pay. Ano pa ba ho ang hihingin pa ng PRC?,” wika ni Roque.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo, “Iyan po ay sovereign guarantee… Inaasahan po natin na patuloy po ang magiging partnership ng gobyerno at ng Philippine Red Cross.” 

Unang sinabi ni Roque na dapat hindi na bayaran ng pamahalaan nang parehong halaga ang Red Cross tests dahil nagbenepisyo naman aniya ang PRC mula sa donated test kits ay machines. 

Samantala, nangako naman ang mga pribadong grupo na Project Ark at Philippine Airport Diagnostic Laboratory na itetest ang mga repatriated migrant workers.

LATEST

LATEST