PACC Commissioner, inireklamo para sa katiwalian sa Ombudsman

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PACC Commissioner Greco Belgica
Kuha ni: Henzberg Austria (Senate PRIB)

Nagsampa ang mga manggagawa ng Duty Free Philippines Corp (DFPC) ng mga reklamong kriminal at administratibo laban kay Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica sa Office of the Ombudsman.

Sa isang sworn affidavit, ang mga empleyado ng DFPC na sina Alexander Sablan, Ernesto Mangalindan, Romeo Silva Jr., Eric Oracion, Rizalino Santos, Nilo Duarte, Joaquin Vibal, Francis Daco at Carlito Ardales ay nag-akusa kay Belgica na ginagamit lamang umano ang kanilang mga kaso para magkaroon ito ng koneksyon sa DFPC management para sa kanyang personal na interes.

Hiniling ng mga ito sa Ombudsman na paimbestigahan si Belgica para sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act pati na rin ang grave misconduct, conduct prejudicial to the service at gross inexcusable negligence.

Nakita umano ng mga empleyado si Belgica na nagbibigay ng donasyon para sa mga biktima ng kalamidad mula sa isang grocery chain sa pamamagitn ng DFPC.

“Ginamit niya ang aming kaso para magkaroon ng koneksyon sa mga malalaking negosyante sa Duty Free upang gamitin niya sa kaniyang pansariling interes at ang katunayan nito ay ang mga Puregold groceries na kaniyang pinamigay sa mga tao,” pahayag ng mga nagreklamo.

Noong 2018, nagsampa ng kasong plunder at administratibo ang mga empleyado laban sa mga opisyal ng DFPC dahil sa ipinatutupad nitong labor-only contracting policy.

Ayon sa kanila, pinagkatiwalaan umano nila si Belgica ng mga dokumento at iba pang piraso ng ebidensiya tungkol sa mga alegasyon ng iregularidad sa DFPC tulad ng maanomalyang kontrata sa mga concessionaires, supply delivery agreements at technical smuggling.

Subalit, ikinadismaya ng mga ito nang irekomenda lamang ni Belgica ang pagsasampa ng kaso laban sa mga “pampublikong opisyal” kung saan hindi binanggit ang mga pangalan ng mga DFPC officials.

Ibinalik din umano ng law firm ng kapatid ni Belgica ang P130,000 na ibinayad nila para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa DFPC officials.

Aniya, “Naging pabaya at binalewala na ni Comm. Greco Belgica ang aming kaso na inilapit sa kanya, gamit ang pakunwaring adbokasiya nila laban sa korapsyon kaya siguro sinauli nila ang pera namin.”

Sinabi naman ni Belgica na tila trinaydor siya ng mga DFPC employees na tinulungan aniya nito at ng law firm ng kanyang kapatid.

“Binigay namin ang lahat ng hiningi nilang tulong higit pa sa hinihingi ng aming tungkulin. Sa lahat ng government officials na nilapitan nila, ako lang ang tumulong sa kanila,” giit ni Belgica.

Ang mga nagrereklamo umano ay suprotado ng isang grupo na nagsampa rin ng mga kaso laban sa kanya kaugnay ng mga entrapment operations sa Ombudsman.

“This group has been trying to rally more people to fabricate cases and allegations in order to undermine the Anti-Corruption initiatives of the Administration,” dagdag pa ni Belgica.

Sinabi naman nitong maghahain siya ng counter charges laban sa mga nagreklamo.

“To tell you the truth, we’ve been kind, patient and gracious to them. But by besmirching my reputation that I dearly value and have protected with my life, I will be filing counter charges and pray hard that they all go to jail,” wika ni Belgica.

LATEST

LATEST

TRENDING