Drilon, binanatan ang Housing secretary dahil sa hindi pagdepensa nito sa badyet ng kanyang ahensya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Housing Secretary Eduardo del Rosario
Kuha ni: Albert Calvelo (Senate PRIB)

Iginiit ni Housing Secretary Eduardo del Rosario noong Oktubre 22 na “ginawa nito ang kanyang trabaho” para sa P3.87-bilyong proposed 2021 budget para sa kanyang ahensya matapos itong gisahin ng mga senador at sinabing hindi nito ipinaglaban ang orihinal nitong proposal na P76 bilyon.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang performance ni Del Rosario sa ginanap na budget deliberations ay maaaring makadismaya sa mga mambabatas na tuparin ang hiling ng ahensya para sa karagdagang P12.55 bilyon para sa “maliit” nitong 2021 badyet.

“Kami ay nagtataka bakit hindi pinaglaban ng sekretaryo ‘yung kanilang budget. Ang sinumite P77 billion. Wala pang 10 percent ang binigay eh,” giit ni Drilon.

Ayon naman kay Del Rosario, ipinahayag niya sa mga mambabatas ang mga kinakaharap na isyu tugkol sa inaprubahang badyet ng Department of Budget and Management.

“Sinabi ko pa nga the Philippine Development Plan 2017-2022 has a disconnect with the budgetary requirement being provided by the national government. Sinabi ko na ‘yan,” wika ni Del Rosario.

Dagdag pa ng kalihim, “Ang sabi ng DBM ‘ipakita niyo sa’min ang utilization,’ that’s what we did… and yet ‘yun pa rin ang binigay samin.”

Nang tanungin naman kung hihiling siya ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte para taasan ang badyet ng kanyang ahensya, sinabi ng kalihim na: “I think on my end I have done my job.”

Pinagsabihan ni Drilon si Del Rosario noong Oktubre dahil sa kawalan umano nito ng kahandaan sa ginanap na budget hearing para sa kanyang ahensya.

“Mukhang hindi niya alam ang budget niya at ilang beses ‘yung mga tinatanong ng mga senador ang sumasagot mga senador din,” paliwanag ni Drilon.

Ayon naman kay Del Rosario, pinahintulutan umano ni committee chair Sen. Risa Hontiveros ang director for planning ng ahensya na magpresenta.

“They allowed my director to present. Ang gusto pala niya ako ang magpresent. At the end of the hearing I apologized and next time I said I will be the one to do the pitching,” pahayag naman ni Del Rosario.

Dagdag pa, “Wala naman sa’kin problema ‘yun. Di ko alam ba’t naging big deal ang issue para kay Sen. Drilon.”

Ang Department of Human Settlements and Urban Development ay ginawa noong 2019, at ito ay nakapagpatayo na ng 39,000 informal at formal housing units batay sa datos noong Hunyo, pag-uulat ni Del Rosario.

Mayroon itong backlog na hindi bababa ng 1 milyong housing units, dagdag pa ni Del Rosario.

LATEST