Sec. Villar, bumuo ng task force para paimbestigahan ang kurapsyon sa DPWH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DPWH Secretary Mark Villar
Kuha ni: Richard A. Reyes (Inquirer)

Nagbuo si Public Works Secretary Mark Villar ng isang task force para paimbestigahan ang talamak na kurapsyon sa kanyang ahensya.

Nag-isyu ang kalihim ng isang department order noong Oktubre 19 na lumikha sa Task Force Against Graft and Corruption (TAG), na binubuo ng limang opisyal para paimbestigahan ang mga executives at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“The TAG shall investigate anomalies allegedly perpetrated by officials and/or employees of the department, based on valid complaints,” ani Villar.

Nadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng katiwalian sa DPWH, subalit iginiit nitong inosente si Villar mula sa kurapasyon, dahil mayaman na umano ito para magnakaw.

Unang sinabi ni Duterte na walang nag-uumpisang proyekto nang walang iligal na transaksyon.

Kinuwestyon naman ng mga netizens ang hakbang ni Villar dahil hindi umano epektibo ang magtalaga ng mga opisyal na mag-iimbestiga sa kanilang mga katrabaho.

Subalit, hinikayat ng Malacañang ang publiko na bigyan ng pagkakataon ang task force.

“Siguro po paunang hakbang lang iyan na ginawa ng DPWH para nga i-address iyong problema ng korapsiyon na nilabas ng ating Presidente. Pagbigyan naman po natin sila,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 20.

Dagdag pa nito, “Let’s give them a chance dahil sa aking pagkakaalam, talagang this is one of the rare moments na ina-address natin ang korapsiyon diyan sa DPWH na ang sabi nga ni Presidente ay lantaran at parang systemic.”

Ayon kay Roque, makatutulong din ang ang task force para isulong ang “pagiging episyente at epektibo” ng DPWH sa pagbibigay ng dekalidad na imprastraktura.

Ang nasabing task force ay pinamumunuan ni Assistant Secretary Mel John Verzosa, na siya ring pinuno ng Legal Services and Special Concerns unit ng ahensya.

Si Internal Audit Service Director Gliricidia Tumaliuan-Ali naman ang magsisilbing vice-chair. Ang iba pang miyembro ng task force ay sina Human Resource and Administrative Service Director Michael Villafranca, Officer-in-Charge Director, Stakeholders Relations Service Andro Santiago, at abogadong si Ken Edward Sta. Rita, OIC ng goods and services procurement division.

LATEST

LATEST