Sen. Gordon, gustong paimbestigahan ang PhilHealth dahil sa hindi pagbabayad ng utang sa Red Cross

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Sen. Richard Gordon
Kuha ni: Henzberg Austria (Senate PRIB)

Dapat aniyang paimbestigahan ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) tungkol sa paglaki ng utang nito sa Philippine Red Cross (PRC), wika ng chairman nitong si Sen. Richard Gordon noong Oktubre 18.

Aniya, “Masyadong abuso de kompyansa eh. Pinagbigyan tapos lalaki nang ganyan kalaki. Dapat sila ang imbestigahan. Bakit hindi nila binabayaran?”

Ipinahinto kamakailan ng Red Cross ang pagproseso ng Covid-19 swab test para sa PhilHealth, na siyang humahawak sa Covid-19 testing ng mga OFWs, frontliners, at mga indibidwal na saklaw ng mga itinakdang panuntunan ng Department of Health.

Umabot na aniya sa P930 milyon ang utang ng PhilHealth sa Red Cross hinggil sa Covid-19 testing.

Dahil dito, apektado ang maraming ahensiya ng pamahalaan maging ang mga ordinaryong Pilipino.

Ayon naman sa DOH, inilipat muna ng gobyerno ang mga swab test specimen, na dapat sana’y sa Red Cross, sa mga malalaking laboratoryo at ospital sa Kalakhang Maynila upang hindi ma-delay ang testing.

Samantala, mano-mano nang pino-proseso ng Philippine Coast Guard ang mga dokumento ng swab test ng mga balik-bayang OFWs dahil hindi na ito dumadaan sa computerized system ng Red Cross.

Nauna nang humingi ng dispensa si PhilHealth Spokesperson Rey Baleña dahil sa utang ng ahensya na hindi pa nababayaran.

Aminado naman ang PhilHealth na malaking kawalan ang pagtanggi ng Red Cross ng mga swab test.

Gayunpaman, mayroon pa naman daw 105 accredited testing laboratories sa buong bansa para sa mga magpapa-swab test.

LATEST

LATEST

TRENDING