Kamara, isusumite sa Senado ang 2021 badyet sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Isusumite ng Kamara ang 2021 national budget sa Senado sa susunod na linggo, ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco habang tiniyak nito sa mga senador na hindi magkakaroon ng pork insertions sa panukalang badyet.

Unang itinakdang ipasa ang pinal na bersyon ng General Appropriations Bill sa Nobyembre 5, subalit inamin ni Senate President Vicente Sotto III na mahihirapan silang ipasa ito sa oras sa nasabing petsa, dagdag pa ni Velasco.

“We agreed on October 28, best effort of the House. But October 28 can actually be made October 30. But I believe Chairman Eric Yap has already committed that we will transmit the budget by October 28,” ani Velasco.

Ipinasa ng mga kongresista ang GAB sa huling pagbasa noong Oktubre 16 matapos itong sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte. Subalit, magtatagal naman ng ilang araw ang pag-print ng National Printing Office sa mga kopya ng bill.

Kabilang sa 2021 national budget ang pondo para sa Covid-19 response. Ang pag-antala rito ay maaaring mauwi sa paggamit ng reenacted 2020 budget, na walang anumang probisyon hinggil sa pagtugon sa Covid-19.

Isang komite naman ang maglalagay ng “institutional amendments” sa approved bill upang i-reallocate ang pondo sa mga ahensyang humihingi ng karagdagang pondo, dagdag pa ni Velasco.

Nais niya aniyang taasan ang pondo ng Department of Health (DOH), partikular na ang pagbili ng Covid-19 vaccines, na unang pinaglaanan ng P2.5 bilyon lamang. Magiging sapat lamang umano ito para sa 3.9 milyong Pilipino, kung saan malayung-malayo ito mula sa 20 milyong kataong nais mabigyang ng libreng bakuna ni Duterte, wika ng House Speaker.

Tiniyak naman ni Velasco na walang pork insertions sa badyet at ang nabanggit nitong komite ay magre-realign lamang aniya ng pondo sa mga departamentong nangangailangan ng mas mataas na badyet.

Aniya, “Let me assure you that there is no pork in the budget and that the small committee would only do institutional amendments in the departments and agencies asking for more budgets. That is their job.”

LATEST

LATEST

TRENDING