Duterte, kumakalap ng pondo para mabigyan ng Covid-19 vaccine ang bawat Pilipino

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 14 na naghahanap ito ng karagdagang pondo para tiyaking mabibigyan ng bakuna kontra Covid-19 ang bawat Pilipino, kung saan bibigyang prayoridad ang mahihirap, mga pulis, at mga sundalo.

Aniya, “I have the money already for the vaccine but hahanap pa ako ng maraming pera because you know there are now 130 million Filipinos and to me, ideally, all should have a vaccine, without exception.”

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, ₱10 bilyon ang nakalaan para sa pagbiili ng mga bakuna laban sa Covid-19, habang ₱2.5 bilyon naman ang nakalaan para rito sa ilalim ng panukalang 2021 national budget.

Idiniin ng pangulo na dapat bigyang prayoridad sa bakuna ang mahihirap, pati na rin ang mga miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

“They are vital to the security of the state. They should be the first also. Tayo, kaming mga civilian, pwede tayong last,” ani Duterte.

Subalit, ayon sa World Health Organization (WHO), tatlong target groups ang dapat maunang mabigyan ng bakuna kontra Covid-19. Sila ay ang mga frontline health at social care workers, mga taong edad 65 pataas, at mga taong may iniindang kondisyon kung saan mataas ang banta ng pagkamatay.

Sinabi naman ng isang director ng Department of Science and Technology na maaaring makakuha ang Pilipinas ng bakuna para sa 20 percent ng populasyon nito sa pamamagitan ng COVAX, isang global collaboration na layong pabilisin ang development at production ng bagong Covid-19 diagnostics, therapeutics, at vaccines, pati na rin ang pagsiguro ng accessibility para rito.

Ang mga bakuna ay ipamamahagi umano sa mga healthcare workers at miyembro ng high-risk groups tulad ng mga may sakit at may edad, wika ni Jaime Montoya, executive director ng DOST– Philippine Council for Health Research and Development.

Umaasa ang WHO na magiging available na ang Covid-19 vaccine sa dulo ng 2021, habang umaasa naman ang bansa na makakukuha ito ng access pagsapit ng Abril 2021.

Nagtitiwala rin ang pangulo sa mga bakunang dini-develop ng Russia at China.

“Ako naghihintay akong tawagin ako ng China o Russia, I’d be glad to open up my sleeves, and sige. Kasi may kumpyansa nga ako,” paglilinaw ni Duterte.

Ibinunyag din ng pangulo na nagpaplano ang Russia para sa pagtatayo ng isang pharmaceutical plant sa Pilipinas, matapos itong makipag-usap kay outgoing Russian Ambassador Igor A. Khovaev.

Lalahok ang Pilipinas sa Solidarity trials ng pinangungunahan ng WHO tungkol sa potential coronavirus vaccines, na posibleng umarangkada na sa dulo ng buwan.

Hindi bababa sa tatlong kumpanya mula Russia, China, at Estados Unidos ang nagsumite ng aplikasyoon para magsagawa ng Phase 3 clinical trial sa Pilipinas. Ito ay ang kritikal na stage kung saan libu-libong mga pasyente ang babakunahan gamit ang potential vaccine. Ito rin ang kadalasang nagsisilbi bilang huling hakbang bago aprubahan ang mass rollout ng bakuna

LATEST