DENR official, sinabing ‘bayaran’ ang mga UP experts na naging kritikal sa Manila Bay white sand project

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DENR Undersecretary Benny Antiporda

Ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na “walang karapatang” magpuna ang mga eksperto mula University of the Philippines (UP) Diliman tungkol sa paggamit ng synthetic white sand para sa beautification project ng Manila Bay. 

Unang sinabi ng UP Institute of Biology na nais nitong tumulong sa DENR para sa isang “science-based rehabilitation program” sa Manila Bay, kung saan balak taniman ng mga mangroves ang lugar.

Subalit, sisirain lamang aniya ng mangroves ang landscape ng lugar, giit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda.

Aniya, “Hindi ho magandang tingnan and at the same time, hindi ho mabubuhay sa lugar na ito iyong mangrove.”

Sinabi rin ni Antiporda na tatanggapin lamang niya ang tulong ng mga dalubhasa “basta’t libre ito”.

Ayon sa opisyal, halos P500 milyon umano ang ibinayad ng ahensya  sa UP experts simula 2016 para sa konsultasyon.

“Ang UP po sa pagkaalam natin, dapat libre iyan. Bakit kayo naniningil sa gobyerno matapos kayong pag-aralin ng taong-bayan… sipsipin n’yo ang dugo ng taongbayan sa dami ng kinuha n’yong pondo. Tapos ngayon gumagawa kami ng maganda, kailangan magbayad kami sa inyo?” ani Antiporda.

Dagdag pa nito, “Hindi n’yo karapatang batikusin ito dahil bayaran kayo. Iyon lang po ang masasabi ko sa UP. Uulit-ulitin ko: bayaran kayo.”

Samantala, ayon naman kay UP Marine Science Institute (MSI) Director Dr. Laura David, may mandato ang UP na magturo, magsaliksik, at magbigay ng serbisyo publiko.

Aniya, “Kalakip lang sa mga ito ang magbigay na opinyon ayon sa aming iba’t ibang kaalaman.”

Nakatanggap ang UP experts ng tinatayang P364 milyon mula sa gobyerno sa nakalipas na dekada para sa “10 projects in collaboration with DENR and co-sponsorship support for a symposium,” dagdag pa ni David.

“Welcome din po ang audit sa amin. Just like any government office, kahit kailan naman po puwede talaga i-audit,” giit nito.

Ayon naman sa marine scientists ng unibersidad, libre ang kanilang serbisyo subalit dapat pa ring bayaran ng mga “kliyente” ang iba pang gastusin sa pananaliksik.

Ang UPMSI ay hindi aniya line agency sa executive branch ng pamahalaan, at ang internal Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) nito ay “limitado sa pagmimintena ng laboratory facilities at field equipment sa Diliman at sa Bolinao Marine Laboratory,” wika ni David.

Dagdag pa nito, “Wala po kaming access sa funds para matugunan ang mga katanungan na kailangan pa ng karagdagang saliksik.”

LATEST

LATEST