Duterte, sinertipikahang ‘urgent’ ang 2021 badyet bunsod ng pangambang posible itong maantala

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ₱4.5-trilyong 2021 national budget, pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 9. 

Ang mga panukalang sinertipikahang “urgent” ay hindi kabilang sa panuntunang dapat pag-aralan ng mga mambabatas ang panukalang batas nang hindi bababa ng tatlong araw bago ito pagbotohan.

Nagpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagdaraos ng special sessions ng Kongreso upang maiwasan ang pagkaantala sa pagpapasa ng 2021 national budget.

Ayon kay Roque, ang nasabing special sessions ay magaganap sa Oktubre 13 hanggang 16, kung saan ipagpapatuloy ang budget deliberations para sa 2021 national budget upang maiwasaan ang karagdagang delays nito.

Ang hakbang ng pangulo ay nangyari matapos nitong pagsabihan ang mga mambabatas na, “Huwag naman sana ninyong sobrahan ang laro sa Congress na iyong budget mismo ang nailagay sa alanganin. I am just appealing to you.” 

“Either you resolve the issue sa impasse n’yo d’yan and pass the budget legally, constitutionally. ‘Pag hindi n’yo ginawa, ako ang gagawa para sa inyo,” dagdag pa ni Duterte.

Nagkaroon ng pangamba ukol sa posibleng pagkaantala ng 2021 badyet matapos magmosyon si House Speaker Alan Peter Cayetano noong Oktubre 6 na suspendehin ang sesyon ng Kamara.

Ipinasa ng Kamara ang 2021 badyet sa ikalawang pagbasa, ilang araw bago ang itinakdang turnover ng House Speakership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco batay sa term-sharing agreement na binuo ng pangulo noong 2019. 

Nagkasundo sina Cayetano at Velasco sa ilalim ng isang term-sharing deal na binuo ni Duterte, kung saan itinakda sana itong ipatutupad ngayong buwan. Nakasaad sa nasabing kasunduan na inaasahan ang pagbaba ni Cayetano at paghalili sa kanya ni Velasco bilang bagong Speaker para sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Ang naantalang pagpapasa ng 2021 badyet ay maaaring mauwi sa paggamit ng reenacted budget sa susunod na taon, kung saan hindi ito naglalaman ng probisyon tungkol sa Covid-19 response.

LATEST