Velasco, muling dumulog sa Palasyo para igiit ang ‘karapatan’ sa pagiging House Speaker

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Muling umapela sa Malacañang si Marinduque Representative Lord Allan Velasco upang isakatuparan ang kanyang kahilingan na maging susunod na House Speaker.

Nakipagpulong ang kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 5 ng gabi, upang hingin ang pahintulot nito para tumakbong muli para sa liderato ng Kamara.

Subalit, malayo umano sa todong pagsuporta ang naging tugon ng pangulo, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.

“Humingi po ng permiso si Congressman Lord Allan para tumakbo bilang Speaker at ang sagot ng Presidente, ‘Karapatan mo ‘yan sang-ayon sa kasunduan ninyo kay Speaker Alan Cayetano,'” ani Roque.

Si Velasco umano ang humiling ng meeting kay Duterte, dagdag pa ni Roque. Nag-umpisa ito bandang 10 P.M. ng gabi.

Bagama’t maikli lamang ang idenetalye ni Roque sa publiko tungkol sa naganap na pagpupulong, nagtagal umano ng ilang oras ang nasabing meeting, ayon naman kay Oriental Mindoro 1st District Representative Doy Leachon, kaalyado ni Velasco. Natapos umano ito lagpas 3 A.M. na ng madaling

Nang tanungin kung nangako si Duterte kay Velasco na kakausapin ang mga kaalyado nito sa Kamara para suportahan ang hiling ni Velasco, tumanggi namang magbigay ng karagdagang pahayag si Roque bukod sa nakuha niyang tugon mula kay Duterte.

Sa isang pahayag, inihalintulad ni Leachon ang pagpupulong ni Duterte at sa isang  “father-son conversation” kung saan mas “casual” aniya ang naging pag-uusap ng dalawa.

Aniya, “The President was categorical when he said, ‘Lord, it is your right time now. I have already spoken. You have to insist your right based on the term sharing agreement (Naging direkta ang pangulo nang sabihing ‘Lord, oras mo na ito. Nagsalita na ako. Dapat mo lang igiit ang iyong karapatan’.)”

Ito umano ang rason kung bakit inaasahan ng kampo ni Velasco na sang-ayunan ng kampo ni Cayetano ang binuong term-sharing deal at tuluyang mag-resign sa Oktubre 14 dahil sa petsang ito, “tapos na ang kanyang oras.”

Ayon kay Leachon, ang mga accomplishments ng Kamara sa ilalim ni Cayetano ay hindi sa dahil sa kanya lamang kundi sa kooperasyon ng “Super Majority Coalition.”

Unang sinabi ni Velasco at ng kanyang mga kaalyado na sumang-ayon si Duterte para sa turnover ng speakership sa Oktubre 14.

Subalit, ito naman ay taliwas sa pahayag ni Cayetano na walang petsang napagkasunduan at sinabi pa nga umano ni Duterte na iurong sa Disyembre ang nasabing turnover kay Velasco. Ito ay dahil nais ng pangulo na hindi madiskaril ang pagpapasa ng 2021 national budget.

Nakipagpulong naman noong Oktubre 2 si Cayetano kay Duterte, matapos tanggihan ng mga mambabatas ang inalok nitong resignasyon sa pagiging House Speaker.

Sa nasabing meeting, muling inulit ng pangulo ang posisyon nitong hindi siya manghihimasok sa mga usapin ng Kamara dahil nagpasya na umano ang majority ng mga kongresista na panatilihin si Cayetano sa puwesto.

Gayunpaman, sinabihan ni Duterte sina Cayetano at Velasco na nais nitong ipatupad ang binuong term-sharing deal upang matiyak ang pagkakaisa ng kanyang mga kaalyado sa Mababang Kapulungan.

LATEST

LATEST