Duterte: Beep cards, dapat ipamahagi nang libre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 5 na dapat ipamigay nang libre ang Beep cards para sa mga pasahero ng EDSA Busway, matapos umalingawngaw ang reklamo tungkol sa kamahalan ng singil para rito.

Aniya, “Card lang naman ‘yan, ibigay na ‘yan libre. Bakit pabayaran pa ‘yan, we are wasting so many billions to corruption. Tapos ‘yan hindi mabigay?”

Unang sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang mandatoryong paggamit ng Beep cards, dahil sa pagtanggi ng AF Payments, Inc., ang provider ng automatic fare collection system (AFCS) sa EDSA Busway, na alisin ang singilg sa beep card “bagama’t paulit-ulit ang apela ng gobyerno.”

Sinabi kinalaunan ng Beep card operator na mag-iisyu ito ng 125,000 na libreng cards para sa mga “taong nangangailangan” at magtatayo rin ng QR code ticketing system para sa cashless payments. 

Binanggit naman ni Duterte na makikipag-usap ito kay Transportation Sec. Arthur Tugade tungkol sa planong pamamahagi ng nasabing cards nang walang gastos.

“I will raise with him the possibility of giving it free,” ani Duterte.

Unang ipinag-utos ng pamahalaan sa EDSA bus operators na magpatupad ng cashless payment system para sa mga pamasahe upang maiwasan ang banta kontra Covid-19.

Bago ang suspensyon, naging mandatoryo noong Oktubre 1 ang paggamit ng Beep cards at ikinagulat ito ng mga commuters kaya’t nagkaroon ng magulong pila sa mga bus stations. Ayon sa mga kapos-palad na commuters, hindi nila kayang bayaran ang sinisingil na P80 para sa cards.

LATEST

LATEST

TRENDING