National ID system registration, raratsada sa Okt. 12: PSA

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Sample ng National ID

Nakatakdang magsagawa ng mass registration para sa National ID System ang Philippine Statistics Authority (PSA) simula Oktubre 12.

Ito ay matapos iurong ang unang schedule ng mass registration noong Hulyo dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista, bibigyang prayoridad sa registration ang limang milyong mahihirap na padre de pamilya mula sa listahan ng Department of Social Welfare and Development.

Kabilang sa Step 1 ng registration process ang pagbabahay-bahay sa mga tahanan ng piling pre-registrants upang kunin ang kanilang impormasyon at magtakda ng petsa kung kailan sila pupunta sa registration center.

“Sila ang pupuntahan namin at uunahin namin silang i-preregistrer o pag capture ng kanilang information para po pagdating nila sa registration center mas mabilis na ang kanilang pagaantay at pila. Maglalagay kami ng schedule,” ani Bautista.

Ang Step 2 naman ay ang pagpunta ng pre-registrants sa registration centers sa Nobyembre 25 para sa kanilang biometric capture.

Ayon kay Bautista, may apat na milyong katao pa ang idadagdag sa registration.

Aniya, “All in all, ang ipe-preregister namin before the end of the year is 9 million pero ‘yung 5 million na household head ay pupunta na sila sa registration centers.”

Sa susunod na taon, nag-target din ang ahensya ng pagpaparehistro sa 45 milyong katao, at 42 milyon naman sa 2022.

“So by the end of the term of President Duterte naparehistro na namin dapat ang majority of the Philippines,” dagdag pa ng opisyal.

Nilinaw din ni Bautista na libre ang registration at ang ilalabas na ID.

Ang National ID system, na isinabatas noong 2018, ay layong magbigay ng valid proof of identity para sa lahat ng mga Pilipino at residente, para sa mas mabilis na access sa mga serbisyo.

LATEST

LATEST

TRENDING