Duterte, dumistansya sa isyu ng House Speakership

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Malacañang

Hindi na mangingialam si Pangulong Rodrigo Duterte upang pumabor kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco matapos magpasya ang Kamara na panatilihin sa puwesto si House Speaker Alan Peter Cayetano, ayon sa Malacañang.

“Katatawag lang po sa akin ng Presidente at sabi niya, ‘Stay out tayo diyan. No comment tayo diyan. That’s a purely internal affair of the House of Representatives,'” ani Presidential Spokesman Harry Roque noong Setyembre 30.

This means the President respects the votes (Iganagalang ng pangulo ang nangyaring botohan),” dagdag pa ni Roque.

Tinanggihan ng majority ng mga kongresista sa bilang na 184, ang inalok na resignasyon ni Cayetano habang naglalahad ito ng kanyang privilege speech sa plenary session ng Kamara noong Setyembre 30.

Bago ito, nakipagpulong sina Cayetano at Velasco sa Malacañang kasama ang pangulo kung saan hinikayat nito ang mga kaalyado sa Kamara na irespeto ang term-sharing deal na ginawa nito para sa dalawang mambabatas.

Inanunsyo naman ni Velasco na nakatakda itong humalili kay Cayetano sa Oktuber 14. Subalit, pinabulaanan ito ni Cayetano at sinabing hiniling pa nga aniya ni Duterte kay Velasco kung maaari itong maging Speaker sa Disyembre, upang matiyak ang agarang pagpapasa ng 2021 national budget.

Gayunpaman, ipinilit pa rin ni Velasco ang Oktubre 14.

Ayon naman kay Roque, ang tindig ni Duterte sa isyu ay nananatiling alinsunod sa nauna nitong posisyon na dapat igalang ng mga mambabatas ang term-sharing deal, habang binigyang diin na wala itong magagawa kung “wala ang mga numero” kay Velasco.

LATEST

LATEST

TRENDING