Robredo: “Ayaw naming mabigo ang gobyerno”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo
Kuha ni: Jay Ganzon (OVP)

Tinanggihan ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 28 ang mga paratang na nais nito at ng oposisyon na pumalpak ang administrasyong Duterte sa isinasagawa nitong Covid-19 response.

Sa isang video message na ipinost sa Facebook, sinabi ni Robredo na bagama’t may mga kontrobersiyang bumabalot sa pamahalaan sa laban kontra Covid-19, naniniwala pa rin ito sa mga “magagandang hangarin” nito sa pagtugon sa krisis pangkalusugan.

Aniya, “Naniniwala pa rin ako sa mabuting intensyon ng pamahalaan, kabilang na ng mga nasa matataas na katungkulan. Ngunit sa bigat ng ating kinakaharap, hindi sapat ang mabuting intensyon. Kailangan strategic at organized ang pagkilos.”

“Dahil sa kabila ng mabuting mga intensyon, hindi maikakaila ang katotohanan: Maraming Pilipino ang patuloy na nagkakasakit,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Robredo, nais lamang nilang makatulong sa pamahalaan, habang patuloy na nakapagtatala ang bansa ng mahigit libu-libong mga Covid-19 cases bawat araw.

“Ayaw naming mabigo ang gobyerno, dahil kapag nabigo ang gobyerno, tayong mga Pilipino ang magdurusa, tayong mga Pilipino ang magkakasakit at mamamatay. Malaki ang problema, kaya dapat lahat tayo may puwedeng i-ambag. Hindi ito panahon para ipagdiinan ang hidwaang administrasyon o oposisyon. Sa panahong ito, ang mahalaga, Pilipino tayong lahat,” diin ni Robredo.

Iginiit ng pangalawang pangulo na may kapabilidad ang bansa na sugpuin ang Covid-19 outbreak nito kahit wala pang bakuna.

Batay sa isang pag-aaral sa medical journal na The Lancet, ika-66 ang Pilipinas mula sa kabuuang 91 na mga bansa tungkol sa epektibong pagtugon sa pandemiya.

“Sa parehong pag-aaral, may labing-siyam na bansa na tinukoy kung saan “successfully suppressed” ang virus. Sampu sa top 19 na ito, nasa Asia Pacific Region. Ididiin ko: Nagtagumpay laban sa virus ang labingsiyam na bansa, kabilang na ang sampu sa ating mga kapitbahay, kahit wala pang gamot, at kahit wala pang bakuna,” paliwanag ng pangalawang pangulo.

Tanong nito, “Ano ang mga hakbang na ginawa nila? Alin sa mga ito ang puwedeng iangkop sa konteksto natin dito sa Pilipinas? Ano pa ang ibang mabisang solusyon? Ano ang mga nagiging hadlang sa pagpapatupad nito?”

Naghain ng mga rekomendasyon si Robredo bukod sa kanyang mga naunang suhestyon kabilang ang pagtatakda ng Specific, Measurable, Achievable, Relevant, at Time-based (SMART) na mga layunin para sa Covid-19 response; pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay; at paghahanda para sa mass distribution ng bakuna kontra Covid sakaling dumating na ito.

Aniya, “Sang-ayon tayo na mahalaga ang bakuna—kaya nga hindi sapat na abangan lang ito. Ngayon pa lang, kailangan nang paghandaan kung paano isasagawa ang malawakang deployment kapag nadevelop na ito. Hindi birong tungkulin ang agarang pagbabakuna sa milyon-milyong Pilipino—kailangan ng plano, imprastruktura, at mekanismo, na hangga’t maaari ay maibaba sa antas ng mga barangay health unit.”

Nauna naman nitong binanggit na “hindi sapat” ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghintay na lamang para sa pagdating ng bakuna laban sa nakamamatay na sakit bilang tugon sa naging pahayag ng pangulo na wala nang magagawa pa habang wala pa ang naturang bakuna.

LATEST

LATEST