Malacañang: Pagbubukas ng ekonomiya, layong tugunan ang gutom

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Ruy L. Martinez

Ang muling pagbubukas ng ekonomiya ay tiyak na makatutugon sa gutom, pahayag ng Malacañang noong Setyembre 28 matapos lumabas ang resulta ng isang survey na nagpapakitang 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nagutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Ipagpapatuloy naman aniya ng pamahalaan ang mga programa nitong layong magbigay ng ayuda para sa mga apektado ng pandemiya habang tinatayang P13 bilyon ang inilaan sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa mga residenteng sasailalim sa localized lockdowns, giit ni Presidential spokesperson Harry Roque.

Walang tigil din ang pag-iimplementa ng labor department sa cash-for-work program nito at ang pamamahagi naman ng sabsidiya para sa small and medium businesses mula sa finance department.

“Ang garantiya na mapababa natin ang bilang ng nagugutom ay buksan ang ekonomiya nang mas marami ang makapaghanapbuhay. Ang ayuda temporary lang yan, mas mabuting bigyan natin ng permanenteng hanapbuhay muli ang ating mga kababayan,” paliwanag ni Roque.

Dagdag pa nito, “Nananawagan kami sa lahat, alam ko pong nakakatakot ang Covid pero napakita na po natin dahil halos 7 buwan nang naririyan sa atin, kapag nag-mask, hugas (ng kamay) at iwas (o physical distancing) ay pupuwede naman pong magtrabaho.”

Nilinaw naman ni Roque na mas makabubuti kung kalahati lamang ng ekonomiya ang bubuksan sa ngayon.

Aniya, “Kung titingnan natin ang health indicators, dapat siguro manatiling sarado ang 50 porsyento ng ating ekonomiya. Kasi pag GCQ halos 50 porsyento lang ang bukas.”

Lumiit ang ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter at nauwi ito sa resesyon sa unang pagkakataon sa loob ng 30 taon, matapos ipatupad ang isa sa pinakamahaba at pinakamahigpit na lockdown sa buong mundo upang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19 pandemic.

LATEST

LATEST

TRENDING