Cimatu, sinuspinde ang operasyon ng 2 dolomite mining sites sa Cebu

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Jonathan Cellona (ABS-CBN News)

Sinuspinde ni Environment Secretary Roy Cimatu ang operasyon ng dalawang dolomite mining firms sa Alcoy, Cebu, kung saan kinuha ng gobyerno ang synthetic white sand para sa pagpapaganda ng Manila Bay.

Kinumpirma ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na sinilip ni Cimatu ang dolomite mining operations sa Alcoy matapos makatanggap ng reklamo kaugnay ng masasamang epekto nito sa kalikasan.

Aniya, “He immediately ordered the suspension of operation of Dolomite Mining Corp. and Philippine Mining Service Corp pending investigation on its operations’ environmental impact (Agaran niyang sinuspinde ang operasyon ng Dolomite Mining Corp. at Philippine Mining Service Corp. habang pending pa ang imbestigasyon tungkol sa epekto ng mga ito sa kalikasan).”

Unang nag-isyu naman ang Cebu Provincial Government ng cease and desist order laban sa dalawang firms, at sinabing walang isinagawang public consultation para sa “white sand” project ng Manila Bay.

Sa inilabas na Executive Order No. 25, sinabi ni Cebu Governor Gwen Garcia na ang pagmimina ng dolomite sa Alcoy at ang “kasiraang idinudulot nito sa kalikasan ng Cebu” ay paglabag sa mga karapatan ng mga residente nito para sa isang “balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature.”

Matapos ang kanyang inspeksyon sa dalawang mining sites, inutusan ni Cimatu ang Environmental Management Bureau sa Region 7 na magsagawa ng water quality sampling malapit sa shiploading facility ng dalawang mining sites, pati na rin ang pagsusuri sa ambient air quality.

Naunang nagbabala ang mag dalubhasa tungkol sa peligrong hatid ng paglanghap sa dinurog na dolomite.

Ipinag-utos din ng kalihim sa Provincial Environment and Natural Resources Officer ng Cebu na suriin ang kondisyon ng mga corals, matapos ang naging reklamo ng Cebu government na ang pagmimina ng dolomite at pagbiyahe sa mga ito malapit sa mga minahan ay ikinasira ng ecosystem sa lugar, kabilang na ang mga coral reefs.

Samantala, tinanggihan naman ng DENR ang mga balitang unti-unti nang inaanod ng tubig ang mga puting buhangin sa Manila Bay.

LATEST

LATEST

TRENDING