“Hayaan muna po natin ‘yan”: Palasyo, isasantabi muna ang 2016 arbitral ruling

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Wala ng magiging kasunod na hakbang ang paggiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitrary case nito kontra China tungkol sa sigalot sa South China Sea.

It’s a restatement of what has been the Philippine policy on China (Ito ay pag-uulit lamang sa dati pang palisiya ng Pilipinas sa China) na hindi natin pwedeng balewalain ang panalo natin sa Hague,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Setyembre 24, isang araw matapos magtalumpati si Duterte sa United Nations (UN) General Assembly sa kauna-unahang pagkakataon.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na ang arbitral ruling, na kinilala ang karapatan ng Pilipinas sa mga lugar na saklaw sa exclusive economic zone nito, ay kabahagi na ng international law at hindi maaaring baguhin o abandunahin.

Pinuri naman ng ilang mga opisyal at foreign policy experts ang naging pahayag ni Duterte tungkol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, kabilang na si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na nagsabing dapat ipatupad ng administrasyon ang nasabing arbitral award at kumalap ng suporta mula sa iba’t-ibang mga bansa upang mas mapansin ito sa susunod na UN General Assembly.

Ang 2016 landmark decision ng isang international tribunal sa The Hague ay nagbasura sa pagkamit ng China sa halos buong South China Sea. Binigyang diin sa kapasyahan na nilabag ng China ang karapatan ng Pilipinas sa ilang mga lugar sa pamamagitan ng panghihimasok sa pangingisda, petroleum exploration, at pagtatayo ng mga artificial islands.

Tinanggihan naman ito ng China, at iginiit na nakipagkasundo na ang administrasyong Duterte na makipagkooperasyon ang dalawang bansa.

Bagama’t tinalakay ni Duterte ang kapasyahan ng arbitral court na pumabor sa Pilipinas, sinabi naman ni Roque na isasantabi muna ito sa ngayon.

Aniya, “The President has been consistent. We will move on matters that we could move forward on, including trade and investments, and we will for the time being, set this aside because I don’t think the resolution of the territorial dispute is forthcoming in our lifetime (Palaging consistent ang pangulo. Magpapatuloy tayo sa kalakaran kabilang ang trade at investments, at isasantabi muna natin ito sa ngayon kasi naniniwala akong hindi mareresolba ang sigalot sa teritoryo sa ating panahon).”

“So hayaan muna po natin ‘yan, basta nandyan ang desisyon diyan. Malinaw kung ano ang nakasaad sa international law,” dagdag pa ni Roque. 

Ipinahayag naman ng Malacañang na hindi maapektuhan ng naging talumpati ng pangulo ang malapit na relasyon ng Pilipinas at China.

“Wala naman pong magbabago doon sa ating mga polisiya lalong lalo na doon sa ating bilateral relations with China,” ani Roque said.

LATEST

LATEST

TRENDING