Hepe ng Ermita police, sinibak dahil sa hindi pagpapatupad ng physical distancing sa Manila Bay

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Cesar Chavez, chief of staff ni Manila Mayor Isko Moreno

Sinibak ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Camilo Cascolan ang commander ng Ermita Police Station dahil sa hindi nito pagkontrol sa mga dumagsang tao na bumisita sa “white sand” beach sa Manila Bay.

Sa inilabas na pahayag noong Setyembre 20, sinabi ng Joint Task Force COVID Shield na nagpapasalamat ito kay PGen. Camilo Cascolan dahil sa isinagawang hakbang, at iginiit na dapat nagpatupad si Ermita police chief PLtCol. Ariel Caramoan ng “stiktong security at health safety measures” sa lugar.

Dapat aniyang nagkaroon ng planning at regular monitoring sa lugar bago ang pagbubukas nito sa publiko, upang maiwasan ang paglabag sa quarantine protocols.

Binanggit din ng task force na hindi nakasunod si Caramoan sa utos na “i-monitor at agarang aksyunan ang mga paglabag sa quarantine protocols na nagiging viral sa social media.”

Naglipana ang iba’t-ibang larawan sa social media kung saan makikita ang pagdagsa ng maraming tao sa white sand beach upang masilayan ito. Mapapansin ding hindi na na-obserbahan ang physical distancing dahil sa pagsisiksikan.

Si Caramoan ay papalitan ni PLtCol. Alex Daniel bilang officer-in-charge.

Ang paglalagay sa Manila Bay ng white sand na yari sa dinurog na batong dolomite ay umani ng pambabatikos mula sa publiko. Ang nasabing proyekto ay pinuna ng iba’t-ibang grupo dahil lalamunin din aniya ng alon ang mga puting buhangin.

Gayunpaman, dinipensahan ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang ahensyang tagapagpatupad ng naturang proyekto, at sinabing masusi itong pinag-aralan.

Naglagay din umano ng mga “geotubes” upang mapigilan ang pagkasira sa white sand.

Tinanggihan din ng ahensya na ang dolomite white sand ang dahilan sa naiuulat na fish kill sa isang malapit na komunidad.

LATEST