Malacañang: Kumpiyansa ni PRRD kay Duque, hindi nakaapekto sa imbestigasyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III

Tinanggihan ni Presidential spokesperson Harry Roque noong Setyembre 15 na ang pagtitiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III ay nakaapekto sa naging resulta ng imbestigasyon tungkol sa mga katiwalian sa PhilHealth.

Si Duque, na siya ring PhilHealth board ex-officio chairman, ay hindi kabilang sa listahan ng mga opisyal na inirekomendang sampahan ng kaso batay sa naging findings ng Task Force Health, na pinangunahan ng Department of Justice (DOJ).

Ayon sa 177-pahinang report na isinumite kay Duterte, sinabi ng Task Force na “nagpabaya” sa kanilang mga tungkulin ang mga miyembro ng PhilHealth board of directors at executive committee, kabilang ang implementasyon ng interim reimbursement mechanism (IRM).

Ito rin ay kapareho sa naging pahayag ni Duterte sa pag-uumpisa ng buwan. Sinabi nitong bagama’t naging “negligent” si Duque sa kanyang trabaho sa PhilHealth, tiniyak pa rin nito ang tiwala para sa kalihim.

Itinanggi naman ni Roque na naimpluwensyahan ng tindig ng pangulo ang mga imbestigador.

Aniya, “Hindi naman siguro, eh ‘di dapat wala nang admonishment na nirekomenda.”

Inirekomenda ng Task Force kay Duterte na “mariing pagsabihan at paalalahanan” si Duque at iba pang miyembro ng Board tungkol sa mga maaaring kaharapin ng mga ito dahil sa kanilang mga aksyon.

Iginiit naman ni Roque na hindi pa rin abswelto si Duque dahil magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon.

“This is only the beginning. Nakasaad din po sa report na magpapatuloy po ang imbestigasyon ng NBI at ng DOJ at magpapatuloy pa rin po ang mga imbestigasyon ng Ombudsman,” pagbibigay diin ng tagapagsalita ng pangulo.

Inaprubahan ni Duterte ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Ricardo Morales, dating PhilHealth president at CEO; Jovita Aragona, senior vice president at chief information officer; Arnel De Jesus, chief operating officer; Renato Limsiaco Jr., senior vice president on fund management sector; Calixto Gabuya Jr., acting senior manager ng Information Technology and Management Department; at Israel Pargas, senior vice president on health finance policy sector.

LATEST

LATEST