PRRD at Locsin, nagkasundo na ipagpatuloy ang infra projects na suportado ng Chinese firms

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Sinang-ayunan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang mga infrastructure projects na suportado ng mga kumpanyang Chinese na nasa blacklist ng Estados Unidos, pahayag ng Malacañang noong Setyembre 3.

Bagama’t unang inirekomenda ni Locsin ang pagputol sa mga kasuduan sa Chinese firms na sangkot sa reclamation activities sa South China Sea, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sumang-ayon din ang kalihim kay Duterte kinalaunan dahil ang pangulo aniya ang “chief architect” sa foreign policy ng bansa.

Ayon naman kay Roque, wala siyang nakitang “inconsistency” sa pananaw ni Locsin at Duterte.

Aniya, “After the President spoke, sumang-ayon naman po ang ating Secretary of Foreign Affairs. So sa tingin ko po, wala naman pong contradiction.”

Sumang-ayon umano si Locsin na bagama’t papahintulutan ang operasyon ng mga nasabing Chinese companies sa bansa, patuloy din umano ang paghahain ng pamahalaan ng diplomatic protests kontra China bunsod ng isinasagawang militarisasyon sa South China Sea.

“Well, ang nabasa ko po sa peryodiko kanina, sinabi niya na tama naman po ang posisyon ng ating Presidente kasi kapag kinansela natin ang mga kontratang iyan ay madidemanda na naman tayo sa isang international forum. So nagsasang-ayon naman po ang ating Secretary of Foreign Affairs,” ani Roque.

Binanggit naman ni Roque na wala siyang impormasyon kung pinagalitan ng pangulo si Locsin dahil sa mga pahayag ng kalihim na taliwas sa pananaw ni Duterte.

“I have no information po kasi ang Presidente naman ay walang personalan po iyan,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.

Noong Setyembre 2, sinabi naman ni Roque na hindi niya nakita na dapat kopyahin ng Pilipinas ang ginawa ng US sa pag-blacklist sa mga kumpanyang Chinese para ipakita ang hindi pagsang-ayon sa China hinggil sa pagtatayo nito ng artificial islands sa South China Sea.

Nagpatupad ng sanctions ang Estados Unidos laban sa mga kumpanya ng China at visa restrictions sa mga indibidwal na kabilang sa dredging at militarisasyon sa South China Sea.

Ayon kay Roque, “kuntento” na ang pamahalaan sa pamamagitan ng paggiit sa naging kapasyahan ng arbitral court sa The Hague noong 2016, kung saan pumabor ito sa Pilipinas at ibinasura ang pag-angkin ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

LATEST

LATEST

TRENDING