Senado, inirekomendang kasuhan sina Duque, Morales, atbp. kaugnay sa anomalya sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inirekomenda ng isang komite sa Senado ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay Health Secretary at PhilHealth board chair Francisco Duque, ex-PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang mga opisyal na sangkot sa katiwalian sa PhilHealth, pahayag ni Senate President Tito Sotto noong Setyembre 1.

Iprenesenta ni Sotto ang ulat ng Senate Committee of the Whole na nagsasabing si Duque, Morales at ilang senior vice presidents ay dapat managot sa mga katiwalian ng PhilHealth katulad ng maanomalyang implementasyon ng cash advances o ang interim reimbursement mechanism.

Kinuwestyon ng mga mambabatas ang implementasyon ng IRM na layong tulungan ang mga ospital na magpatuloy ng operasyon sa gitna ng Covid-19 pandemic. Subalit, binigay ang pondo sa 279 na mga pasilidad bago pa man makumpleto ang requirements. Nakumpleto rin ang requirements noong Hunyo 11, subalit nakapaglabas na ng 14 bilyon ang ahensya simula Marso 25, dagdag pa ni Sotto.

Napag-alaman din ng komite na hinigitan pa ng inilabas na pondo ang estimated costs para sa Covid-19 treatment.

PhilHealth estimated 3.3 billion pesos for the cost of Covid for the entire 2020 (Inestima ng PhilHealth sa 3.3 bilyon pesos ang gastusin para sa Covid sa buong 2020),” ani Sotto.

Dagdag pa nito, “Pero ang budget na nilagay nila ay P26.8 billion pesos.”

Kwestyunable ring ibinigay ang mga pondo sa non-Covid-19 facilities, katulad ng B. Braum Avitum Dialysis Centers.

Ang mga branches ng B. Braum ay nakatanggap ng P45 milyong kahit na ang ilang mga pasilidad nito ay walang dialysis machines o isolation areas at maari lamang makapagbigay ng outpatient care.

Nauna namang itinanggi ng B. Braum ang pakikipagsabwatan sa PhilHealth, subalit kumbinsido ang Senado na may umiiral na “ghost patients” modus kaya inirekomenda nito ang imbestigasyon.

Dahil dito, inirekomenda ng senate panel ang pagsasampa ng kasong malversation, illegal use of public funds at graft laban kay Duque, Morales, Executive Vice President Arnel de Jesus, SVP for Fund Management Sector Renato Limsiaco, SVP Health Finance Policy Sector Israel Pargas, pati na rin ang iba pang mga empleyadong sangkot.

Inirekomenda rin ng komite ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Internal Revenue Code laban kay Duque, Morales, De Jesus, Limsiaco, Pargas, at iba pang mga sangkot na empleyado dahil sa hindi pag-withhold ng buwis hinggil sa IRM.

Nais din ng mga senador para sa healthcare institutions na nakatanggap ng IRM funds na i-liquidate ang mga ito at ibalik ang mga pondong hindi nagamit.

Inirekomenda rin ng komite ang paghahain ng kasong falsification, fraud, concealment of documents, graft, at paglabag sa government procurement act laban sa mga opisyal ng PhilHealth IT department.

Sinabi ni Sotto na dapat kasuhan sina SVP for Information Management Sector Jovita Aragona at Acting Senior Manager Calixto Gabuya dahil sa planong pagbili ng network switches sa halagang P320,000 bawat unit kahit na may in-award na mas murang models sa halagang P62,424 lamang. Ang mas mahal ma modelo ay “obsolete” na at hindi na rin available sa merkado, dagdag pa ng komite.

“Ipinipilit talaga nila na Cisco 2960XR ang binibili nila para lang majustify ang mas mataas na presyo kahit na ang totoo ay Cisco 9200 na mas mura ang binibili,” giit ni Sotto.

Iminungkahi rin ng komite na umpisahan na ng PhilHealth ang outsourcing sa IT services nito sa isang mapagkakatiwalaang kumpanya, wika ni Sotto.

Binanggit din ng komite na dapat kasuhan ng negligence at graft ang nag-resign na si SVP for Legal Sector Rodolfo Del Rosario dahil sa hindi pag-aksyon sa pending cases ng ahensya.

Ayon sa komite, sa kabuuang 7,452 cases laban sa healthcare facilities sa PhilHealth, 5,327 lamang o 71.48 percent ang inaksyunan simula noong taong 2000.

May 4,792 cases ding laban sa mga healthcare workers kung saan 45.97 percent lamang ang na-cleared sa nakalipas na 19 taon.

Hindi rin naipatupad ng ahensya ang penalties katulad sa kaso ng Perpetual Succour Hospital. Dapat sinuspinde ng PhilHealth ang akreditasyon ng ospital at pinagbayad ito ng multang P10,000. Subalit, pinagbayad na lamang ang ospital ng P100,000 at walang suspensyon.

LATEST

LATEST

TRENDING