PRRD: Pakikipaglaban ang pinakamagandang opsyon para makamit ang kapayapaan sa Mindanao

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang solusyon sa matagal na kaguluhan sa Mindanao ay nananatiling “impossible dream”,  at sinabing pakikidigma ang tanging magandang opsyon para sa kapayapaan sa ngayon.

Sa kanyang taped speech na inere noong Agosto 31, nagtalumpati si Duterte sa harap ng mga sundalo para magbigay pugay sa mga nasawi nilang kasama mula sa dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang linggo.

Aniya, “If we cannot really agree, then we fight and we fight hard hanggang magkaubusan na. Maybe by that time, kung ubos na ang lahat, wala ng giyera.”

Sa ngayon, ang pinakamagandang opsyon aniya ay lumaban.

“But if in the God’s time, maybe – kailan ‘yon? – we will have a time to talk and to ponder about peace (magkakaroon tayo ng oras para makapag-usap at pag-isipan ang kapayapaan),” ani Duterte.

Nangako rin itong susuportahan ang mga sundalo bagama’t inamin na mahirap makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

“May dalawang taon pa ako, ewan ko kung ano ang magawa ko talaga. But you know when you are into fighting may galit na ‘yan. Mahirap ito aregluhin kasi lahat may sugat na sa puso,”giit ng pangulo.

Ayon kay Duterte, “mahigit henerasyon” ang itatagal bago maresolba ang deka-dekadang kaguluhan sa Mindanao at umaasang matutugunan ito ng mga lider na hinaharap.

“I hope that anyone of my children would become a politician maski barangay captain lang  that he’d be able also to do something about this problem of the Moro and the Christians,” pahayag ng pangulo.

Mas papaigtingin lang ng naganap na mga pagsabog ang presensya ng militar sa lugar para sugpuin ang terorismo sa Mindanao, dagdag pa ni Duterte.

Binigyang diin ng pangulo na ang tanging paraan para mabigyang pugay ang buhay ng mga nasawi ay ang patuloy na pakikipaglaban kontra terorismo.

Hindi rin dapat aniya makampante ang mga tropa pagdating sa terorismo habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic.

Nangako naman ito na patuloy na susuportahan ang Armed Forces sa pagtugon sa terorismo sa Jolo, Sulu.

Aniya, “Bilang isang Pilipino ibibigay ko sa inyo ang lahat ng suporta na kailangan ninyo para matupad ang inyong misyon dito sa Jolo. I commit myself to work with you my dear troops to ensure that these terrorists will have no future in this country (Nangangako ako sa inyong tutulungan ko kayo para matiyak na walang hinaharap ang mga terorista sa bansang ito).”

Ikinadismaya rin nito ang pagka-udlot sa progreso ng Mindanao dahil sa patuloy na banta ng ekstremismo.

“Kung wala lang ho sana itong seed of hatred na nakalagay sa isip from generation to generation sana ngayon maganda na ang buhay para sa lahat,” wika ng pangulo.

Noong Agosto 31, binisita ni Duterte ang lugar kung saan naganap ang mga pagsabog sa Jolo, Sulu at nag-alay ng bulaklak para sa mga nasawing sundalo.

Namataan din ang pangulo na nakaluhod at hinahalikan ang blast site para bigyang pugay ang mga nasawing sundalo, pulis, at sibilyan dahil sa nasabing trahedya.

LATEST

LATEST

TRENDING