Metro Manila mayors, inirekomenda ang GCQ sa NCR simula Setyembre 1

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Lahat ng mga alkalde sa Metro Manila ay nagrekomenda sa pagpapalawig ng general community quarantine status habang nangako na papaigtingin ang critical care capacity at pagpapatupad ng minimum health standards sa rehiyon.

Ayon kay Metro Manila Council Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez noong Agosto 31, iminungkahi ng lahat ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila ang pagpapalawig ng GCQ simula Setyembre 1.

Aniya, “Unanimously iyon pong recommendation ng Metro Manila mayors ay to maintain the GCQ status.”

Ipepresenta naman ng Inter-Agency Task Force ang kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang huling magpapasya tungkol sa mga klasipikasyon ng quarantine sa Agosto 31.

Sinabi rin ni Olivarez na sumang-ayon ang lahat ng mga alkalde na paikliin ang oras ng curfew simula Martes, Setyembre 1, upang dahan-dahang mabuksan ang ekonomiya.

Unang itinakda ang unified curfew sa National Capital Region. Mula sa dating 8pm-5am, ang panibagong curfew ay magtatagal mula 10pm-5am, dagdag pa ng alkalde.

“Isa sa pinagusapan at pinagkasunduan, iyong curfew all over Metro Manila will be extended until 10 in the evening,” ani Olivarez.

Matapos ang kanilang rekomendasyon para sa GCQ, iginiit ng mga alkalde na patuloy nilang palalakasin ang kanilang critical care capacity sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga isolation facilities para tugunan ang mild Covid-19 patients at ma-monitor ang suspected cases.

Patuloy din aniya ang pagpapatupad ng localized lockdowns sa mga lugar na may mataas na Covid-19 transmission.

“Alam natin we have to balance the economy and healthcare… Kailangan nang buhayin ang ating ekonomiya,” wika ni Olivarez.

LATEST

LATEST

TRENDING