Kongresista, binawi ang 2019 bill na nagbibigay awtoridad sa pangulo na pumili ng successor

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Quezon City 2nd District Representative Precious Hipolito Castelo
Kuha ni: Jervis Manahan (ABS-CBN News)

Binawi ni Quezon City 2nd District Representative Precious Hipolito Castelo ang inihaing bill noong nakaraang taon na layong bigyan ng awtoridad ang pangulo na pumili ng papalit sa kanya na hindi kabilang sa succession line na nakasaad sa Saligang Batas.

Sa liham na may petsang Agosto 30, 2020, sinabi ni Castelo na, “I write to respectfully request for the withdrawal and permanent archiving of House Bill No. 4062, which was filed on Aug. 20, 2019 (Humihiling ako na bawiin at permanenteng i-archive ang House Bill No. 4062, na inihain noong Aug. 20, 2019).” 

Iginiit na Castelo na hindi ito inaksyunan ng Committee on Constitutional Amendments simula noong inihain ito isang taon na ang nakalilipas.

Ayon sa mambabatas, ang pagbawi sa bill ay para pabulaanan ang mga usap-usapan na “ibinabasura niya ang constitutional line of succession sa pagkapangulo.”

Aniya, “That is not so, far from it. The bill does not remove the line of succession. I am for respecting that provision of the Constitution and the line of succession to the highest office (Hindi ganoon, malayo. Hindi tinatanggal ng bill ang line of succession. Iginagalang ko ang probisyon sa Konstitusyon at ang linya ng succession sa pinakamataas na opisina).”

Ilang netizens ang nag-share ng impormasyon hinggil sa HB 4062 nitong weekend, kung saan binatikos ang mambabatas kung bakit pa siya naghain nito.

Naghain din ng kaparehong bill noong 2019 si Senador Panfilo “Ping” Lacson at nananatili itong pending hanggang sa ngayon.

Subalit, sa ilalim ng Senate Bill No. 982, ang pipiliing miyembro ng Gabinete ng pangulo para humalili sa kanya ay huling opsyon para sa pagkapangulo, sakaling lahat ng nasa line of succession ay hindi kayang maging acting president.

Nakasaad sa Saligang Batas na ang pangalawang pangulo ang magsisilbing acting president sakaling mamatay o magkaroon ng disability ang pangulo. Kung hindi ito kayang gampanan ng pangalawang pangulo, ang Senate president — o kung hindi rin ito pupuwede — ang House speaker ang magiging pangulo.

Inaatasan din ng Konstitusyon ang Kongreso na magpasa ng batas kung sino ang magiging pangulo sakaling mamatay, magkaroon ng disability, o mag-resign ang acting president.

Noon, sa ilalim ng Batas Pambansa Bilang 882, ang mga miyembro ng noo’y unicameral legislature ay maghahalal mula sa kanilang mga miyembro kung sino ang magiging acting president.

LATEST

LATEST

TRENDING